Nagkaroon ng reunion ang 2003 FHM Calendar girls na sina Aubrey Miles, Maui Taylor, at Diana Zubiri sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes ng hapon, Hulyo 23, 2024.
Halos 22 taon na ang nakalilipas mula nang magkasama ang tatlo sa press launch ng FHM Calendar 2003 na ginanap sa Aresi restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City, noong Oktubre 2002.
Read: FHM 2008 calendar girls Katrina Halili and Cristine Reyes now on better terms
Natatandaan ni Aubrey, na contract star noon ng Regal Films, na ang naganap na calendar launch ang huling pagkakataong nagkasama at nagpainterbyu sila nina Maui at Diana.
Si Maui ang pambato noong sexy star ng Viva Films, at si Diana naman ang contract star ng Seiko Films.
Hindi pa uso noon ang online bashing pero biktima na si Maui ng mga batikos dahil sa dami ng mga isyung kinasasangkutan niya noon. Nagsama siya ng abogado sa nabanggit na presscon para ang kanyang legal counsel ang sasagot sa mga katanungan ng mga reporter.
Nagpunta noon sa Bohol sina Aubrey, Maui, Diana, at ang FHM team para sa calendar pictorial.
THE CONTROVERSIAL HITCHHIKER PICTORIAL
Ipinaalaala namin kay Aubrey na ang hitchhiker pictorial niya sa Bohol ang inspirasyon ng controversial flyover shoot ni Diana sa kanto ng Shaw Boulevard at EDSA noong Oktubre 2002.
Nalimutan na ni Aubrey ang kanyang hitchhiker pictorial dahil mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.
Si Dondon Monteverde ang dating manager ni Aubrey. Nang makita nito ang hitchhiker photos ni Dondon, hindi siya pumayag gamitin sa kalendaryo ang litrato dahil masyado itong seksi sa kanyang panlasa.
Si Diana ang nakatakdang magkaroon ng cover pictorial noong Oktubre 29, 2002 para sa December 2002 issue ng FHM.
Sa meeting namin sa then FHM editor-in- chief na si Eric Ramos sa Recipes restaurant, sa Megamall, hiniling namin sa kanyang gawin ng aming talent na si Diana ang disapproved hitchhiker pictorial ni Aubrey.
Pumayag si Eric.
Pero sinabi nitong malabo nang makabalik sa Bohol para sa hitchhiker photo shoot dahil kulang na sa panahon.
Dahil nasa restraurant kami noon sa Megamall, nag-suggest kami kay Eric na gawin ang pictorial sa Doña Julia Vargas Avenue, along Megamall.
Nangako rin kaming tutulungan namin siyang kumuha ng permit sa opisina ni then Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Jr. na DILG Secretary sa kasalukuyan ng Marcos administration.
Isang busy street ang Doña Julia Vargas Avenue kaya ang photographer na si Xander Angeles ang nagsabing gawin na lamang sa EDSA-Shaw Boulevard flyover ang pictorial ni Diana.
Kasama si Eric, nagsadya kami sa opisina ni Mayor Abalos para personal na magpaalam at humingi ng permiso.
Pumayag si Mayor Abalos.
Pero may kundisyon itong hindi dapat sexy ang pictorial dahil malapit ang EDSA -Shaw Boulevard flyover sa Archbishop Palace.
And the rest is history.

Sa panayam ni Boy kina Aubrey, Maui, at Diana, tinanong niya ang pamagat na naiisip ng tatlo kung sakaling magsasama sila sa isang pelikula.
“The Originals,” sagot ni Aubrey.
“Palibhasa Babae” ang titulong naisip ni Maui.
“Ang Mga Nagpatangkad,” pilyang sabi naman ni Diana.