Hindi lamang ang mga luha ni Willie Revillame ang pumatak dahil nag-iyakan din ang kanyang mga tagahanga at taga-suporta nang masilayan siya nang personal sa Wil-Come Back Party ng TV5.
Ginanap ang party nitong Linggo nang hapon, Hulyo 14, 2024, sa New Frontier Theater, Araneta City, Cubao, Quezon City.

Naging madamdamin ang eksena nang mapaluha si Willie dala nang sobrang kaligayahan dahil muli niyang nakita ang mga tapat na tagahangang tuwang-tuwa sa pagbabalik niya sa telebisyon makalipas ng isang taon at walong buwan.
Alas-kuwatro nang hapon ang umpisa ng Wil-Come Back Party na live na napanood sa TV5, pero alas-sais pa lang nang umaga ay dumagsa na sa New Frontier Theater ang mga tao mula sa iba’t iba at malalayong lugar.
Gusto raw nilang salubungin si Willie at ang bagong programa nito, ang Wil To Win, na mapapanood simula bukas, Hulyo 15, 5:00 pm, sa Kapatid Network.

Mahigpit ang seguridad sa paligid ng New Frontier Theater dahil sa mga pulis na nakabantay at event marshalls na mahigpit na ipinatupad ang disiplina.
Nagpakita naman ng kooperasyon ang lahat ng manonood sa loob ng New Frontier Theater, hanggang sa sumabog sila sa malakas na hiyawan at palakpakan nang umakyat si Willie sa entablado.
Read:
Wil to Win, bagong title ng show ni Willie Revillame sa TV5
The Win Girls, co-hosts sa show ni Willie Revillame sa TV5
WILLIE MET WITH WARM WELCOME FROM FANS
Marami ang hindi nakapagpigil at nagtangkangsumugod sa stage pero napigilan sila ng event marshalls.
“Kumusta kayo?” ang sabi ni Willie. “Sobrang na-miss ko kayo.
"Na-miss ko yung mga ngiti ninyo. Na-miss ko yung palakpakan ninyo. Yung sigawan ninyo!
“Huwag kayong mag-alala. Nabuksan muli ang pintuan para sa inyo.
“Ang buhay ko, kasama ko kayo araw-araw. Ang buhay ko, lantad na sa bawat Pilipino. Maraming pagsubok.
“For the past one year and eight months, wala ako sa TV pero gumagawa pa rin ako ng paraan na makabigay ng saya,” bahagi ng pahayag ni Willie na maligayang-maligaya raw dahil muli silang nagkasama-sama ng kanyang mga tagahanga.
Read:
Willie Revillame, nagpasalamat sa GMA-7 nang pumirma ng kontrata sa TV5
Willie Revillame, kumpirmadong babalik sa TV5; Wowowin, eere pagkatapos ng Eat Bulaga!?
WILLIE CANCELS HEP HEP HOORAY FOR SECURITY REASONS
Pero nagdesisyon si Willie na huwag ituloy ang "Hep Hep Hooray" game segment dahil ayaw magpaawat ng mga taong gustong sumali at nagpupumilit umakyat sa stage para malapitan siya.
Humingi ng pasensya at pang-unawa si Willie dahil ayaw raw niyang may masaktan.
Pinabigyan na lamang niya ng pera ang mga taong nanggaling sa malalayong lugar, umarkila ng mga sasakyan, at lumuwas nang maaga papuntang Quezon City upang maging bahagi ng Wil-Come Back Party.
Mula umpisa hanggang katapusan ng programa, walang tigil ang pagsigaw ng mga tao ng “I love you Kuya Wil!” at “Pahingi ng jacket!!!”
Sa tuwing sumisigaw si Willie ng “Bigyan ng jacket ‘yan!” ay dumadagundong ang New Frontier Theater dahil sa lakas ng palakpakan at tilian ng fans na mukhang matagal na nasabik marinig ang mga katagang pinasikat ng Wil To Win host at naging bukambibig ng lahat.
Base sa napakainit na pagtanggap kay Willie ng mga taong sumuporta sa Wil-Come Back Party, malinaw na tagumpay ang unang araw ng pagbabalik niya sa telebisyon, at talagang sabik ang publiko na muling mapanood siya at ang kanyang game show at public service program.