Mainit ang pagtanggap ng publiko nang maglakad sa red carpet ng 60th Binibining Pilipinas sina Miss Universe 1969 Gloria Diaz, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Bb. Pilipinas-International 1986 Alice Dixson, Miss International 1979 Melanie Marquez at ang anak nitong si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.
Read: Binibining Pilipinas 2024 sidelights: sino ang mga agaw-eksena?
Pero nagpamalas ng kagaspangan ng ugali ang ibang mga taong nakiusyoso nang makita nila ang dating beauty titleholders ng Binibining Pilipinas na hindi nila kilala.
"Miss, ano ang pangalan mo" at "Sino ka?" ang malakas at may may bahid ng pang-iinsultong tanong ng ilang beauty-pageant fans.
Si Bb. Pilipinas-Tourism 2011 Isabella Manjon ang isa sa former beauty queens na naging biktima ng isang fan na malakas ang boses at nagtanong kung sino siya.
Gaya ng isang tunay at edukadang beauty queen, nagtuluy-tuloy lamang sa paglalakad si Isabella na hindi kinakitaan ng pagkainis at hindi binigyan ng pansin ang kagaspangan ng ugali ng fan.
Read: Former Bb. Pilipinas titleholders, muling nasilayan ng publiko

WHO IS ISABELLA MANJON?
Para sa mga hindi nakakakilala kay Isabella, hindi lamang siya beauty queen dahil sinubukan din niyang mag-artista matapos manalo sa Binibining Pilipinas 2011.
Ang Toda Max at Be Careful with My Heart ng ABS-CBN ang ilan sa mga TV guesting noon ni Isabella.

Ka-batch niya sa Binibining Pilipinas sina Shamcey Supsup, na nagwaging Bb. Pilipinas-Universe 2011 at naging third runner-up sa Miss Universe 2011; Dianne Elaine Necio, Bb. Pilipinas-International 2011; Janine Tugonon, first tunner-up; at Mary Jean Lastimosa, second-runner-up.
Muling sumali si Janine noong 2012. Siya ang nanalong Miss Universe Philippines 2012 at naging first runner-up sa Miss Universe 2012.
Si Mary Jean naman ay muling sumali noong 2014, kung saan siya ang kinoronahang Miss Universe Philippines 2014. Naging Top 10 finalist naman siya sa Miss Universe 2014.

THE RED-CARPET INTERVIEW
Sa kasamaang-palad, hindi rin nabigyan ng importansiya si Isabella sa red-carpet interview sa kanya ng mga host na sina Wize Estabillo at Sam Coloso.
Kasabay ni Isabella na na-interview sina Miss Universe Philippines 2010 Venus Raj at Miss Universe Philippines 2011 Shamcey Supsup.

Kabilang si Isabella sa past Binibining Pilipinas winners na ininterbyu ng red-carpet hosts na hindi nabigyan ng kaukulang respeto dahil hindi natanong ang pangalan nila.
Mapatutunayang totoong-totoo ang aming mga obserbasyon dahil malinaw na mapapanood sa YouTube ang video ng red-carpet event ng 60th Binibining Pilipinas.
Sa anumang kadahilanan, sa aming pananaw ay nagkulang ang red-carpet hosts dahil hindi nila tinanong ang mga pangalan at hindi wasto ang kanilang pagpapakilala sa ilang former beauty queens ng Binibining Pilipinas.
Karamihan sa former titleholders ay may mga edad na at pinaghandaan nang husto ang pagtitipon-tipon na dinaluhan, pero tila naging “Who you?” dahil sa hindi maayos na introduksiyon sa kanila sa red-carpet interview.
RENEE SALUD
Higit na mapalad ang veteran fashion designer na si Renee Salud na dumalo rin sa coronation night ng Binibining Pilipinas 2024.
Nang makita ng former beauty queens si Renee, pinuntahan siya ng mga ito sa kanyang kinauupuan para batiin at bigyang-pugay.
Malaki ang kontribusyon ni Renee sa Binibining Pilipinas dahil marami sa mga isinali niya noon sa naturang patimpalak ang nagwagi ng iba’t ibang mga beauty title, kabilang si Melanie Marquez.
Si Renee ang itinuturing na "fairy godmother" ng mga kababaihang nagbago at gumanda ang takbo ng buhay nang isali niya sa Binibining Pilipinas at nagtagumpay na magkaroon ng korona.