Ginunita ang alaala ng mga pumanaw na Binibining Pilipinas beauty queens, sa pamamamgitan ng In Memoriam, sa grand coronation ng Binibining Pilipinas 2024 na naganap sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City, noong Linggo ng gabi, Hulyo 7, 2024.
Read: Myrna Esguerra is crowned Binibining Pilipinas International 2024
BB. PILIPINAS-INTERNATIONAL TITLEHOLDERS
Apat sa labindalawang pumanaw na beauty queens na produkto ng Binibining Pilipinas ay Bb. Pilipinas-International titleholders — sina Melody Gersbach (2009), Sheela Mae Santarin (1993), Diana Jeane Christine Chiong (1980), at Maria Cristina “Pinky” Alberto (1977).
MELODY GERSBACH (1985 - 2010)
Binawian ng buhay si Melody, noong Agosto 21, 2010, dahil sa vehicular accident na nangyari sa Bula, Camarines Sur.
Read: Bb. Pilipinas International 2009 Melody Gersbach and two others die in road mishap
SHEELA MAE SANTARIN (1974 - 2003)
Kumplikasyon sa postnatal liposuction procedure naman ang sanhi ng kamatayan ni Sheela Mae noong Nobyembre 2003.
Sa In Memoriam segment ng Binibining Pilipinas 2024, napansin ng mga matatalas na mata ng Araneta Coliseum audience na ang larawan ni Bb. Pilipinas-International 1990 Jennifer Pingree ang ginamit na litrato ni Sheela Mae.
Naituwid ang malaking pagkakamali dahil pinalitan agad ang larawan ni Jennifer, na buhay na buhay at nasa loob din ng Big Dome, kaya hindi na napanood sa delayed telecast ng Binibining Pilipinas 2024 ang nangyari.
PINKY ALBERTO (1956-2005)
Lymphatic cancer naman ang ikinamatay ni Pinky Alberto noong Oktubre 27, 2005.
DIANA CHIONG (1959-2001)
Pumanaw naman si Diana Chiong noong 2021.
FIRST BINIBINING PILIPINAS TITLEHOLDER
MYRNA PANLILIO (1942-2009)
Cardiac arrest ang sanhi ng pagpanaw ni Myrna Panlilio noong Hulyo 16, 2009.
Si Myrna ang kauna-unahang nagwagi ng korona ng Binibining Pilipinas noong Hulyo 5, 1964.
Siya ang ina ng model na si Patricia Borromeo, na namatay naman noong Enero 8, 2003 dahil sa metastatic lymphoma non-Hodgkins.
Kilala rin si Patricia bilang dating kasintahan ni Richard Gomez.
JOSEPHINE BAUTISTA (1960-1998)
Kanser ang kumitil sa buhay ni 1981 Miss Maja-Pilipinas Josephine Bautista noong Setyembre 30, 1998.
Si Josephine ang nanalo ng special award na Maja Popularidad at Best in National Costume nang sumali siya sa Miss Maja International na idinaos noong 1981 sa Madrid, Spain.
FROM BEAUTY QUEENS TO ACTRESSES
CHAT SILAYAN
Nagwakas ang buhay ni Chat Silayan noong Abril 23, 2006 dahil sa colon cancer.
Pumasok si Chat sa showbiz matapos na manalo siya na third runner-up sa 1980 Miss Universe. Nagpalakpakan ang mga tao sa Araneta Coliseum nang ipakita ang larawan ni Chat.
MARIA TERESA CARLSON
Malaking balita noong Nobyembre 23, 2001 ang pagtalon ni Miss Young Pilipinas 1979 Teresa Carlson mula sa condominium building na tinitirhan niya sa Annapolis St., Greenhills, San Juan City.
Naging bahagi rin si Carlson ng Philippine showbiz industry kaya ipinagluksa ang kanyang pagpanaw na nangyari ilang linggo matapos matagpuan ang bangkay ni Nida Blanca sa isang condominium building sa Annapolis St., Greenhills, San Juan City, noong Nobyembre 7, 2001.
Walking distance lamang ang mga condominium building na tinitirhan ni Maria Teresa at ng dating MTRCB office na pinaglilingkuran noon ni Blanca bilang board member.
NELIA SANCHO
Namatay sa edad na 71 dahil sa sakit sa baga noong Setyembre 1, 2022 si Queen of the Pacific 1971 Nelia Sancho.
Makulay ang buhay ni Sancho na popular women’s right activist at isa sa mga nagtatag ng GABRIELA, ang partido na ipinaglalaban ang karapatan ng mga kababaihan.
Ginunita rin sa In Memoriam ng diamond jubilee ng Binibining Pilipinas ang alaala ng mga namayapang beauty queen na sina Bb. Pilipinas 1966 4th runner-up Josine Loinaz de Tavera, Miss Charming Pilipinas1972 Maria Isabel Seva, at Bb. Pilipinas 1976 1st runner-up Celita Castro.