Nabasa ng dating sexy star na si Katrina Paula ang artikulo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na lumabas ngayong Martes ng hapon, Hunyo 18, 2024, tungkol sa paghahanap ng mga residente ng Home for the Golden Gays ng permanenteng matitirhan.
Read: Golden Gays, nangangarap magkaroon ng permanenteng retirement place
Sinabi ni Katrina na handa siyang kupkupin at patirahin ang Pinoy Golden Gays sa isang palapag ng gusali na pag-aari niya na matatagpuan sa kanto ng EDSA at Roosevelt Avenue, Quezon City.
Nais ni Katrina na tulungan ang Golden Gays na walang sariling mga tahanan.
Naranasan daw kasi noon ni Katrina na palayasin mula sa bahay na inuupahan kaya alam ng dating sexy star ang masakit na pakiramdam.
Agad na nakipag-ugnayan si Katrina kay Doc Gamboa, dahil ito ang may personal na kilala kay Ramon Busa, ang presidente ng Home for the Golden Gays at sa mga residente nito.
Read: Katrina Paula dispels Sabrina M.'s claim about past relationship with Rico Yan
DOCU ON PINOY GOLDEN GAYS
Napansin ang malungkot na kalagayan ng Pinoy Golden Gays dahil sa special documentary feature tungkol sa kanila na ginawa ng SCMP Films ng South China Morning Post, ang widely circulated Hong Kong English newspaper.
Napapanahon ang documentary ng SCMP dahil Hunyo ang Pride Month.
Mula nang mapanood sa YouTube channel ng SCMP ang documentary na may pamagat na Rainbow’s End, Where’s Home for Manila Golden Gays, na mula sa direksiyon ni Jayson Albano, marami sa mga mamamayan sa Hong Kong ang nagpakita ng interes na tulungan ang mga residente ng Home for the Golden Gays.
Nawalan ng retirement place ang Golden Gays nang paalisin sila ng mga kamag-anak ni Justo Justo nang bawian ito ng buhay noong Mayo 18, 2012.
Si Justo Justo, dating showbiz reporter at Pasay City councilor, ang nagtatag ng Home for the Golden Gays noong 1975.
Kinupkop at tinulungan niya ang mga matatandang miyembro ng LGBTQ community.
Kabilang na rito si Walter Dempster Jr., aka Walterina Markova, ang kauna-unahang Pilipino na umaming naging comfort gay siya noong World War II dahil biktima siya ng seksuwal na pang-aabuso ng mga sundalong Hapon.
Isinalin sa pelikula ang kuwento ng buhay ni Walterina. Ang Comedy King na si Dolphy ang gumanap sa kanyang katauhan sa Markova: Comfort Gay, na opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2000.
