Ang D10, ang 10th anniversary concert ni Darren Espanto na idinaos sa Araneta Coliseum noong Sabado, Hunyo 1, 2024, ang nagsilbing reunion nila nina Lyca Gairanod at Sarah Geronimo.
Si Sarah ang isa sa mga coach ng The Voice Kids Philippines Season 1, at mga contestant nito ang trese anyos na si Darren, at si Lyca na siyam na taong gulang noong 2014.
Si Lyca ang tinanghal na grand champion samantalang si Darren ang runner-up niya.
Para sa kanilang song number sa D10, inawit ni Darren ang “Ngayon” at kinanta ni Lyca ang “Narito Ako,” ang mga inawit nila sa grand finals ng The Voice Kids Philippines noong Hulyo 27, 2014.
Makaraan ang sampung taon, mas magagaling na mang-aawit at higit na madamdamin ang pagkanta nina Darren at Lyca sa kanilang mga winning song sa talent contest ng ABS-CBN na sinalihan nila.
READ:
Darren Espanto, napaluha sa kanyang 10th anniversary concert
Darren Espanto promises spectacular D10 concert

DARREN, TINUKSO NI LYCA TUNGKOL SA 'DYOWA'
Pagkatapos ng kanilang pagkanta, hindi sinasadya na isiniwalat ni Darren na wala itong karelasyon ngayon dahil sa tukso niya sa pagkakaroon ni Lyca ng “dyowa.”
Sabi ni Darren, “This means so much to me sharing the stage with you. It will always be a pleasure saka grabe na yung bilis ng panahon. Ang tanda na natin, ten years ago.
“Saka ang dami nang nangyari. Siyempre, I’m very proud of all your achievements. Siyempre, iba na ngayon. May dyowa ka na.”
Mabilis ang reaksyon ni Lyca na “Siya din meron” kaya nagtilian sa tuwa ang mga tao sa loob ng Araneta Coliseum.
“Wala ngayon,” ang maagap na sagot ni Darren sa tukso sa kanya ni Lyca na nagsalita ng “eme, eme” bago niya binati at pinasalamatan ang dating katunggali sa The Voice Kids Philippines.
“Unang-una sa lahat, congratulations. Happy 10th anniversary sa’yo,” ang sabi ni Lyca pero sumingit si Darren at nagsabi ng “Sa atin.”
“Ah, sa ating lahat,” ang pagtutuwid ni Lyca.
“Super happy ko at super thankful din na isinama mo rin ako dito sa journey mo. And also, alam ko at alam natin kung saan tayo nagsimula at magkasama talaga tayo sa mga journey natin.
“Siyempre, sa achievements mo, super happy kami at sa lahat ng supporters mo, super happy sila [para] sa’yo and proud kami para sa’yo.”
DARREN, PURING-PURI NI SARAH GERONIMO
Si Sarah ang parehong coach nina Darren at Lyca sa The Voice Kids Philippines Season 1. Ikinuwento ni Darren na agad na pumayag si Sarah nang imbitahan niya para maging bahagi ng kanyang 10th anniversary show.
“When I invited Coach Sarah to be part of my 10th year anniversary, talagang nag-yes po agad siya and it means so much to me.
“Maraming salamat for all the tips and everything that you taught me,” ang mensahe ng pasasalamat ni Darren kay Sarah na nagtatalon sa tuwa dahil sa tagumpay ng singer-actor na nasubaybayan niya ang paglalakbay sa Philippine entertainment industry.
“Darren, mahal na mahal ka namin. We all know how amazing you are as an artist, as a vocalist, you are amazing pero what made me love you so much more is your heart.
“Grabe yung puso mo Darren. Everytime I would see you, napaka-genuine ng happiness everytime na nagkikita tayo. Sobra akong bilib na bilib sa’yo, sa sarili mo.
“Mahal na mahal kita, mahal na mahal ka namin at alam kong maraming-maraming dekada pa ang itatagal mo dito sa industriya if you remain humble, despite your greatness.
“Ten years. Ten years na pala iyon. Ang tangkad mo!” ang pahayag ni Sarah na sinundan nito ng pagtalon dahil sa sobrang tuwa para sa mga naabot na pangarap ni Darren.
READ:
Darren Espanto asked if Cassy Legaspi will watch his concert
Darren Espanto clarifies rumored issue with Cassy; past romances with Kyline and Jayda
Vice Ganda teases Darren Espanto and Kyline Alcantara in It's Showtime