Si Alden Richards ang isa sa mga host ng Miss Universe Philippines 2024.
Bagamat maraming pumuri sa kanyang paghu-host, hindi pa rin siya nakaligtas sa mga puna na pasigaw ang pagbigkas niya sa pagtawag sa mga kandidata ng kinatawan ng iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Read: Vice Ganda pokes fun at Alden Richards's "galit" hosting
Punumpuno ng mga tao ang Mall of Asia Arena at malakas ang sigawan at palakpakan nila sa tuwing tinatawag ang mga kandidata na kanilang sinusuportahan, kaya natural instinct lamang na lakasan ni Alden ang boses para marinig ang mga sinasabi niya, kahit may hawak siyang microphone.
Hindi naramdaman o namalayan sa loob ng Mall of Asia Arena ang malakas na boses ni Alden dahil nangibabaw ang ingay ng manonood na sumisigaw at nagpapalakpakan. May mga torotot ding dala ang iba para i-cheer ang kanilang mga sinusuportahang beauty contestant.
Hindi rin makatarungang ikumpara si Alden sa kanyang co-host, ang American fashion expert na si Jeannie Mai dahil seasoned emcee na ito.
FIVE HOURS LIVE SHOW
Naganap ang grand coronation ng Miss Universe Philippines 2024 sa Mall of Asia Arena, Pasay City, noong Miyerkules, Mayo 22, 2024.
Read: Chelsea Manalo wins Miss Universe Philippines 2024
Tumagal ng mahigit sa limang oras ang gabi ng koronasyon na live na napanood sa YouTube mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng madaling-araw, Mayo 23.
May mga nagreklamo at nagsalitang pinagkakitaan nang husto ng Miss Universe Philippines Organization ang okasyon dahil sa kanilang maling akalang tambak ang commercial loads kaya inabot ito ng mahigit sa limang oras.
Para sa kaalaman ng mga reklamador, normal na tumatagal ng maraming oras ang coronation night ng mga beauty pageant dahil sa deliberasyon ng mga hurado sa pagpili ng mga magwawagi.
Normal itong nangyayari, hindi lamang sa Miss Universe Philippines kundi pati na rin sa Binibining Pilipinas at ibang mga national beauty pageant.
Hindi rin naiiwasan ang mga aberya sa mga live show tulad ng mg technical problem at ang natatagalang pagbibihis ng mga kandidata sa pagkakaantala ng programa.
Madali para sa iba ang magreklamo dahil manood lamang ang kanilang alam. Hindi nila naiisip na marami ang nangyayari sa isang live show kaya tumatagal ito.
Read: MUPH 2024 scene stealers, trending candidates, and bloopers
MISS UNIVERSE PHILIPPINES 2024 DELAYED TELECAST
Mapapanood sa GMA-7 ngayong Linggo, mula 9 a.m. hanggang 12 noon, ang delayed telecast ng Miss Universe Philippines 2024.
Ito ang dahilan kaya pansamantalang hindi muna mapapanood ang Kapuso shows na Born To Be Wild, iBilib, at Kapuso Movie Festival.
Mula sa mahigit limang oras na pagtatanghal ng Miss Universe Philippines 2024, tatlong oras na lamang ang running time nito sa television airing nito ngayong Linggo ng umaga sa GMA-7 dahil ang mga importanteng eksena lamang ang mapapanood.