Nagpasalamat ang dating sexy star na si Bridgette de Joya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) dahil ang mga panayam sa kanyang nailathala sa PEP.ph ang naging instrumento para matupad ang pangarap niyang magkaroon ng sariling motorsiklo.
Read: Bridgette de Joya: former Seiko sexy star is now a lady guard
Ang broadcast journalist at TV5 news anchor na si Julius Babao ang nagbigay kay Bridgette ng motorsiklo nang makarating sa kanyang kaalaman ang kahilingan ng dating sexy star.
Nagtatrabaho ngayon si Bridgette bilang security guard sa isang eskuwelahan matapos makulong ng apat na taon dahil nasangkot sa paggamit ng illegal na droga.
Read: Bridgette de Joya, nilinaw ang kinasangkutang drug case noon
Sa pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Bridgette noong Abril 24, 2024, sinabi niya, “Ang wish ko na lang para sa sarili ko, service motorcycle para makabawas sa pang-araw-araw na pamasahe at para meron pa sanang matira sa aming sahod.”
Noong nakaraang linggo, personal na sinadya ni Julius si Bridgette sa Angeles City, Pampanga, upang interbyuhin ang dating sexy star para sa YouTube channel ng broadcaster.
Bago nagkita ang dalawa, pumunta muna si Julius sa isang tindahan ng motorsiklo at binili ang sorpresa niya para kay Bridgette at sa asawa nitong si Fortunato Catacutan, na nagtatrabaho rin bilang security guard.

Bridgette de Joya and husband Fortunato Catacutan
Napaiyak si Bridgette nang ibigay sa kanya ni Julius ang motorsiklong pinapangarap nila ng asawa at malaking tulong sa kanilang kabuhayan.

Julius Babao and Bridgette de Joya
"Ni-road test na po," banggit ni Bridgette sa Cabinet Files matapos matanggap mula kay Julius ang sorpresa nito.
JULIUS BABAO ON BRIDGETTE DE JOYA
Mariing pinabulaanan ni Bridgette kay Julius na gumamit siya ng ipinagbabawal na gamot.
Imposible raw ito dahil sumasailalim siya noon sa chemotherapy treatment dahil sa breast cancer.
Iginiit at nanindigan si Bridgette na biktima lamang siya ng “tanim droga” ng mga umaresto sa kanya.
Inalam ng Cabinet Files mula kay Julius ngayong Miyerkules ng hapon, Mayo 8, 2024, ang impresyon niya kay Bridgette sa maiksing oras na nagkasama sila.

Pahayag ng broadcaster: “I don’t know if she did take drugs in the past, but I would like to take her word for it na hindi.
"Marami naman talagang abuses ng mga pulis noong time na yun kaya mahirap na hindi paniwalaan ang kuwento niya.
“And she had just undergone chemo sessions nung time na yun bago siya inaresto kaya mahirap lang paniwalaan na nagda-drugs siya.
“Kung totoo man o hindi, ang importante, she is moving forward with her life as a security guard, and setting a good example to those who are also challenged in life or have experienced the same fate as her—to never give up, never surrender.”