Nahimatay ang comedian na si Boobay — Norman Balbuena sa totoong buhay — habang nagtatanghal sa ika-344 na kapistahan ng bayan ng Aparri, Cagayan, nitong Martes ng gabi, Mayo 7, 2024.
Kasama ni Boobay ang kapwa komedyanteng si Pepita Curtis sa kanilang palabas na ginanap sa Aparri Public Park.

Agad na inihinto ni Pepita ang pagtatanghal nang makita nito ang pagbagsak ni Boobay sa may gilid ng stage.
Bumagsak si Boobay sa may speaker at mabilis siyang sinaklolohan ni Pepita at ng dalawa pang katao.
Nakunan ng video ang pangyayari dahil live-streamed sa Facebook ang okasyon.
Labis na nag-alala ang manonood sa nangyari kay Boobay, na muling inatake ng silent seizure tulad noong live guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong Abril 21, 2023.
Read: Boobay, "nag-hang" habang ini-interview sa Fast Talk With Boy Abunda
HOW IS BOOBAY AFTER THE INCIDENT?
Ngayong Miyerkules ng umaga, Mayo 8, 2024, kinumusta ng Cabinet Files ang kalagayan ni Boobay sa pamamagitan ng Viber message.
Ayon mismo kay Boobay, maayos na ang kalagayan niya at pabalik na sila ni Pepita sa Metro Manila.
“Natutok lang po ako sa malaksa na ilaw kagabi sa stage, kaya na-trigger ulit ang seizure ko, pero okay naman po ako,” pahayag ni Boobay.
Pinairal pa rin ni Boobay ang propesyunalismo. Sa kabila ng nangyari, tinapos pa rin niya ang show nila ni Pepita.
“Tinapos pa rin po namin ni Pepita ang show kagabi.
"Andito na po kami sa airport now sa Tuguegarao. Pabalik po ng Maynila," tila pagbibigay-katiyakan ni Boobay na wala nang dapat ikabahala ang mga nag-aalala sa kanya.
Read: Boobay ipinaliwanag ang trigger ng health scare sa gitna ng TV interview
Bukod sa natutukan siya ng mainit na ilaw sa stage, maaaring may kinalaman ang mainit na panahon sa muling pag-atake kay Boobay ng silent seizure, na dahilan ng malakas na pagbagsak niya na dinig na dinig sa audio ng video.
Idineklara ng PAGASA kahapon, May 7, na kasama ang Aparri sa 37 na lugar sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nasa "danger level" dahil sa heat index na 44°C kaya pinag-iingat ang lahat sa heat stroke at dehydration.
Read: Heat index, umabot ng hanggang 44 C sa ilang lugar sa Pilipinas