Makalipas ang tatlong taon, muling nagkita ngayong Sabado, Mayo 4, 2024, si Dolphy Jr. at ang kanyang anak na si Rocky Quizon, pero imbes na maging masaya, nabahiran ng kalungkutan ang kanilang pagtatagpo.
Si Rocky ang 42-year-old na anak ni Dolphy Jr. sa kanyang estranged wife na si Regina Pryor ng Sta. Cruz, Laguna.
Si Dolphy Jr. ay anak naman ng yumaong Dolphy, ang kinikilalang pinakasikat at pinakamamahal na komedyante ng Pilipinas, kay Engracita Dominguez.

ROCKY'S HEALTH PROBLEMS MULTIPLE
Matagal nang pinahihirapan si Rocky ng mga karamdaman nito sa kidney, ng gout, at ng fatty liver, at matagal na niyang kinailangang sumailalim sa CT scan procedure.
Ngayong Sabado ng umaga, Mayo 4, mula sa tahanan niya sa Sta. Cruz, Laguna, dinala si Rocky sa isang ospital sa Batangas City para sa CT scan procedure dahil ito umano ang gusto ni Dolphy Jr.
Pero ayon din kay Regina, sa Hulyo 2024 pa ang schedule na ibinigay ng ospital sa Batangas City para sa libreng CT scan ni Rocky.
Tuloy, masama ang loob niya sa dating asawa dahil napagod lamang sa biyahe ang kanilang anak.
DOLPHY JR. WANTED A FREE CT SCAN FOR SON ROCKY—REGINA
“Hindi ako natutuwa sa kanilang pagkikita,” pahayag ni Regina nang makausap ito ng Cabinet Files.
“Puwede naman dito sa Sta.Cruz ipa-CT scan si Rocky, pinapunta pa niya sa Batangas."
Hindi raw maniwala si Dolphy Jr. sa gastos: "Ayaw niya na maniwala na P14,000 to P16,000 ang bayad sa CT scan. Naghanap pa siya ng free CT scan, e kailangan na ni Rocky."
Hindi rin nakaluwag sa kalooban ni Regina na hindi nagpapakita kay Rocky ang ama. Aniya, “Apat na beses nang nako-confine sa ospital si Rocky, hindi man lang niya dinalaw."
Sabi pa ng nagdaramdan na si Regina tungkol kay Dolphy Jr: “Last two years ko pa sinabi sa kanya na may sakit si Rocky, dedma siya.
“Nag-text ako sa kanya, sabi ko, nasaan ka na? Dalawang oras nang naghihintay sa ospital sa Batangas si Rocky.
"Sabi niya, pasensya dahil nag-commute daw siya.
“Sinabi ko sa kanya na dapat maaga siya na gumising. Alam naman niya na maaga ang lakad niya.
"Kami nga, 4:30 a.m. pa lang, gising na.
“Hindi ako natutuwa sa muli nilang pagkikita kasi nahirapan lang si Rocky na pinapunta pa niya sa Batangas.
"Puwede naman niya ipadala thru GCash ang pera na kailangan para sa CT scan.”
eric quizon helps rocky with his medicines
Paglalahad ni Regina sa PEP, "Si Eric lang ang nagbibigay ng pampagamot sa anak ko."
Ang tinutukoy ni Regina na Eric ay si Enrico "Eric" Quizon, kilalang aktor at direktor, na anak din ng komedyanteng si Dolphy sa ibang babae.
Ang ina ni Eric ay si Alice "Baby" Smith na nagka-screen name ng Pamela Ponti.
Humingi rin ng tulong si Regina sa opisina ni Mayor Edgar San Luis ng Sta. Cruz para maihatid sa Batangas City ng ambulansiya ang maysakit na anak.
Ang gumaling sa lalong madaling panahon ang kanyang anak ang pangunahing alalahanin ni Regina.
Kaya bukod sa paghingi ng tulong sa dating asawang isa nang pastor ngayon, nananawagan siya ng pinansiyal na tulong mula sa mga senador na sina Bong Go at Robin Padilla.