Muling babalik sa Pilipinas sa Hunyo 2024 si Ai-Ai delas Alas dahil gusto niyang masaksihan nang personal ang pagtatapos sa elementarya ng kanyang bunsong anak na si Seth Andrei.
Pagkatapos ng graduation ng anak niya, lilipad si Ai-Ai sa Japan para sa kanyang libreng pagtatanghal sa Philippine Independence Day celebration ng OFW sa nabanggit na bansa.
Nakatutok din ang pansin ni Ai-Ai sa simbahan ng Kristong Hari sa Commonwealth Avenue, Quezon City, na tinutulungan niyang ipatayo, kaya wala siyang panahon sa pagsasangkot sa kanya sa mga diumano’y luma at walang katotohanang isyu na matagal nang nakabaon sa limot.
Read: Rosanna Roces hopes to end longstanding rift with Ai-Ai delas Alas
Nag-umpisa ang konstruksiyon sa simbahan ng Kristong Hari noong 2015. Pero hanggang ngayon, hindi pa natatapos dahil sa pandemya na nangyari noong 2020.
Nagdaos ng benefit concert si Ai-Ai noong Hunyo 2019 para sa pagpapatayo ng simbahan, pero hindi pa rin sapat ang pondo kaya hindi makumpleto ang proyekto.
Lahad ni Ai-Ai, “Noong una, regular church ang plano sa Kristong Hari at may budget na PHP300 million ang construction. Pero ginawa nang Basilica kaya umakyat sa PHP600 million ang budget.
“Sa ngayon, kailangan pang malagyan ng bubong at finishing ang Basilica.”
Read: Ai-Ai delas Alas donates fund to build church
AI-AI DELAS ALAS MEETS MC COLINA
Nabuhayan ng pag-asa si Ai-Ai nang makilala niya ang successful Texas-based Filipino-American aesthetician, beauty expert, at Christian missionary na si Marlou “MC” Colina ng MC Aesthetics.
Matagumpay ang mga beauty clinic ni Colina sa Amerika at bilang pasasalamat sa Panginoong Diyos dahil mga biyaya na kanyang natatanggap, tumutulong siya sa pagpapatayo ng mga simbahan sa maraming lugar.
Ang simbahan sa Malawi, Africa ang unang simbahan na tinulungan ni Colina na maipatayo.
Sinundan ito ng mga simbahan sa Calayan Island, Cagayan, at Sultan Kudarat, South Cotabato.
Nakipagtulungan din siya sa United Nations sa pagpapatayo ng simbahan sa El Salvador.
Noong 2021, labinlima ang bilang ng non-denominational churches sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanyang naipagawa.
Read: Ai-Ai delas Alas addresses bashing after It's Showtime guesting
Nang makausap ni Ai-Ai si Colina, nagbitaw ito ng salita na tutulong para matapos na ang konstruksiyon sa Kristong Hari Basilica.
Ang adbokasiya ni Colina na pagpapatayo ng mga simbahan ang isa sa mga dahilan kaya tinanggap ni Ai-Ai ang alok na magsilbi bilang Chief Operating Officer (COO) ng MC Aesthetics sa San Francisco, California.
Ang kanyang anak na si Sophia ang Chief Finance Officer (CFO).
Kasama sa plano ni Ai-Ai na ibigay para sa pagpapatayo ng Kristong Hari Basilica ang malaking bahagi ng kanyang sahod bilang COO ng MC Aesthetics.
Naniniwala si Ai-Ai na talagang nakatakda na makilala niya si Colina dahil nakatulong din sa kanyang psoriasis ang MC skin care products.
Isang uri ng autoimmune disease ang psoriasis na nagpapahirap kay Ai-Ai mula noong labinlimang taon pa lamang ang kanyang edad.
Sa "Beauty and The Best" talk event ng MC Aesthetics, ipinagtapat ni Ai-Ai ang pagdadalawang-isip na gamitin ang produkto pero nang subukan niya, gumaling ang kanyang problema sa balat na dahilan para tanggapin ng Comedy Queen ang alok na magkaroon ng puwesto sa kompanya ni Colina.
Bale dalawa na ang trabaho ni AiAi sa USA dahil bukod sa COO ng MC Aesthetics, patuloy ang kanyang pagseserbisyo bilang bilang creative director ng isang senior care facility.