Tahimik na pinagmamasdan at hinihintay ni Philmar Alipayo ang kanyang fiancée na si Andi Eigenmann habang kinakausap ito ng entertainment press.
Dumalo ang couple sa Parangal ng Sining ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para tanggapin ng aktres ang posthumous Honorary Distinction na ipinagkaloob ng sa nanay niya, ang premyadong aktres na si Jaclyn Jose.


Read: Andi Eigenmann, emotional sa pagtanggap ng posthumous award para sa inang si Jaclyn Jose
Pumanaw si Jaclyn, sa edad na 60, noong Marso 2, 2024.
ANDI EIGENMANN ON WEDDING
Magiliw na pinaunlakan ni Andi ang kahilingan ng entertainment media na makausap siya.
Dito niya inihayag na pansamantala munang hindi matutuloy ang pagpapakasal nila ni Philmar.
Sabi niya, “Honestly, we wanted to get married this year. But under these circumstances, we just decided to wait it out a bit. Para kay Nanay sana yun."
Nahihirapan si Andi tanggapin ang katotohanang wala na ang ina, pero buo ang paniniwala niyang ipinagmamalaki siya ni Jaclyn.
"I know she is proud, she loves me, and her grandchildren, so I will focus on the good things, and my family,” ang nakangiting lahad ni Andi.
Unang inanunsiyo nina Andi at Philmar ang kanilang engagement noong Disyembre 2020.
Matatandaang sinabi pa ni Jaclyn sa Cabinet Files na gustung-gusto niya at gandang-ganda siya sa underwater engagement photos ng kanyang anak at future son in-law.
Read: Jaclyn Jose, kinikilig sa engagement ng anak na si Andi Eigenmann kay Philmar Alipayo

Ang sabi niya noon, "Yes happy! Kinilig ako sa proposal sa vlog! Yung foggy 'tapos voice lang ang naririnig? And the underwater shot? It was beautiful!” sabi ni Jaclyn tungkol sa mala-fairytale na litrato at video ng marriage proposal ni Philmar kay Andi.
ANDI STAYS IN MANILA FOR MOM'S 40TH DAY AFTER DEATH
Samantala, si Philmar ang nagsabi na mahigit isang linggo nang nasa Metro Manila si Andi.
Naiwan ang kanilang mga anak sa Siargao.
Read: Andi Eigenmann's home away from the island
Sinabi naman ni Andi, may kinalaman ang matagal na pamamalagi niya sa Quezon City sa paggunita sa ika-apatnapung araw ng pagkamatay ng nanay niya.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano, may posibilidad na lumipad ang pamilya nina Andi at Philmar sa ibang bansa para magbakasyon.
Makakatulong ito para mabawasan ang kalungkutan na kanilang nararamdaman dahil sa biglaang pagkawala ni Jaclyn.