Si Clodualdo “Doy” Del Mundo Jr., professor emeritus ng Department of Communication ng De La Salle University, ay kabilang sa mga ginawaran ng Lifetime Achievement Award ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Read: FDCP Parangal ng Sining, bibigyang-pugay sina Gloria Romero, Boots Anson Roa-Rodrigo, Jaclyn Jose
Nangyari ito sa 2nd annual Parangal ng Sining na idinaos noong Biyernes, Abril 19, 2024, sa Seda Hotel, Vertis North, Quezon City.
Ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag (1975), Itim (1977), Kisapmata (1981), Batch ’81 (1982), ‘Merika (1984), Mulanay (1996), Markova: Comfort Gay (2000), at Pepot Artista (2005) ang ilan sa mga kuwentong pelikula mula sa panulat ng respetadong multi-awarded writer, director, at producer na si Doy.
Nagbigay si Doy ng nakaaaliw na talumpati nang tanggapin niya ang parangal na ipinagkaloob ng FDCP bilang patunay ng kanyang talino sa maraming aspeto.

Ang una raw niyang akala ay senior citizen award ang kanyang matatanggap nang makita niya ang listahan ng mga pararangalan ng FDCP.
“Nakita ko na bahagi ng programa ang In Memoriam. Salamat na lang at wala ang pangalan ko sa listahan,” ang sabi ni Doy kaya nagtawanan ang mga imbitadong bisita sa Parangal ng Sining.
“Meron din posthumous awards para sa mga yumao na. Pumasok tuloy sa isipan ko ang gawad ba na para sa amin na narito pa ay pre-heroes award?
“Nalaman ko rin na ang gawad para sa amin ay lifetime achievement award. Lifetime, buong buhay.
“Hay naku, talagang nasa isip yata ng FDCP na tapos na ang buhay namin na kailangan nang bigyang ng award.
“Gayunpaman, nagpapasalamat ako at nabigyang-pansin ang anumang naiambag ko sa pelikulang Pilipino, ngunit kailangan na idiin ko na nagawa ko ang aking nagawa dahil marami akong kasama na naniwala sa iisang layunin— gumawa ng mahusay at maipagmamalaking pelikulang Pinoy,” ang lahad niya na nagbigay-pugay sa lahat ng mga nakatrabaho niya sa kanyang mga nakaraang proyekto.
Clodualdo del Mundo Jr. AND THE PEOPLE HE WORKED WITH
Binanggit ni Doy ang mga taong naging katuwang niya sa paggawa ng pelikula.
Sa pagpapatuloy ng kanyang talumpati, “Hindi nagawa ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag kung wala ang nobela ni Edgardo Reyes, kung wala si Mike de Leon at si Lino Brocka. Kung wala sina Hilda Koronel at Rafael Roco Jr. Kung wala ang buong production staff na talagang bagito sa pelikula.
Read: Hilda Koronel remembers ex-husband Jay Ilagan; on good terms with Amy Austria
“Hindi ko naisakatuparan ang Pepot Artista, ang unang full-length screenplay na isinulat ko noong 1970 kung walang Cinemalaya noong 2005 at kung wala ang kapatid ko na si Herky na namahala sa sinematograpiya at ang mga estudyante ko at mga artista na tumulong sa pelikulang iyon.
“Hindi nagawa ang ‘Merika kung wala si Gil Quito, si Gil Portes, at si Nora Aunor.
“At ngayon, bagamat Lifetime Achievement ang award, may nalalabi pang panahon sa tulong ng medisina at panalangin, baka magkaroon pa ako at ang ilang kasamahan ng pagkakataong gumawa ng ibang proyekto na hindi nangangahulugan na pelikula sa darating na bukas at pangarap.
“Maraming salamat sa parangal na ito na ipinagkaloob sa akin ng Film Development Council of the Philippines. Hindi ko hinangad at hindi ko inasahan ang parangal na ito ngunit masaya kong tinatanggap ng may buong pagpapakumbaba. Maraming salamat po.”
PARANGAL NG SINING AWARDEES
Kasama sa mga binigyan ng Lifetime Achievement Award sina Boots Anson Roa-Rodrigo, Dr. Nicanor Tiongson, Armando “Bing” Lao, Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA), ABS-CBN Film Restoration (Sagip Pelikula) na nasa ilalim ni Leo Katigbak, at Gloria Romero.
May Posthumous Award para kay Teddy Co, at Honorary Distinction ang igagawad kay Jaclyn Jose.
Bahagi naman ng In Memoriam sina Mario Dumaual, Willie Nepomuceno, Robert Arevalo, Angie Ferro, Mike Enriquez, Ethel Ramos, Leo Bukas, Jun Urbano, Gil Soriano, Ronaldo Valdez, Mario Bautista, Tony Tantay, Jr., Romy Vitug, Deo Endrinal, at Joe Gruta.