Ang pagdalo ng award-winning writer na si Armando "Bing" Lao sa 2nd Parangal ng Sining ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang isa sa mga makabagbag-damdaming eksena na nasaksihan sa Seda Hotel Vertis North, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi, Abril 19, 2024.
Read: FDCP Parangal ng Sining, bibigyang-pugay sina Gloria Romero, Boots Anson Roa-Rodrigo, Jaclyn Jose
Kasama ang isang male nurse at sakay ng wheelchair, personal na tinanggap ni Lao ang Lifetime Achievement Awards mula kay FDCP Chair Jose Javier Reyes.
Paralisado na ang kanang bahagi ng katawan ni Lao.
Ayon sa kanyang tagapag-alaga, hindi na nagsasalita ang 76-year-old writer pero alam nito ang mga nangyayari sa paligid niya.
Read: Alden Richards, nagbigay-pugay muli sa namayapang Jaclyn Jose
Ang direktor at kaibigan ni Lao na si Jeffrey Jeturian ang nagpakilala sa kanya at naglahad ng mga kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Sinabi ni Jeturian na hindi lamang screenwriter si Lao dahil higit sa lahat, mentor ito ng mga baguhang manunulat at direktor.
“Pinaniniguraduhan niyang magpapatuloy ang husay at galing ng mga Pilipinong manunulat sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman sa paglikha ng dulang pampelikula.
“Alam ko ito dahil maski ako, maraming natutunan [mula] sa kanya,” pagbabahagi ni Jeturian tungkol sa kanyang kaibigan na may karamdaman.
Read: PEP REVIEW: Biyaheng Lupa delves into people's pysches
Kasama rin ni Lao sa Parangal ng Sining ang kanyang protégé at writer na si Honelyn Joy Alipio.
Isiniwalat ni Joy na hanggang ngayon, patuloy si Coco Martin sa mga tumutulong sa pagpapagamot ng manunulat na nagkaroon ng stroke noong 2022.
Ang Itanong Mo sa Buwan, Minsan Pa, Bridal Shower, La Vida Rosa, Pila Balde, Takaw Tukso, at Saan Nagtatago ang Pag-ibig? ang ilan sa mga magaganda at pinupuring pelikula na mula sa panulat ni Lao.
Read: Andi Eigenmann, emotional sa pagtanggap ng posthumous award para sa inang si Jaclyn Jose
PARANGAL NG SINING AWARDEES
Kasama sa mga binigyan ng Lifetime Achievement Award sina Boots Anson Roa-Rodrigo, Dr. Nicanor Tiongson, Clodualdo del Mundo, Society of Filipino Archivists for Film (SOFIA), ABS-CBN Film Restoration (Sagip Pelikula) na nasa ilalim ni Leo Katigbak, at Gloria Romero.
May Posthumous Award para kay Teddy Co, at Honorary Distinction ang igagawad kay Jaclyn Jose.
Bahagi naman ng In Memoriam sina Mario Dumaual, Willie Nepomuceno, Robert Arevalo, Angie Ferro, Mike Enriquez, Ethel Ramos, Leo Bukas, Jun Urbano, Gil Soriano, Ronaldo Valdez, Mario Bautista, Tony Tantay, Jr., Romy Vitug, Deo Endrinal, at Joe Gruta.