Maligayang-maligaya ang mga taong nagmamalasakit sa isang showbiz personality dahil sa life-changing decision na ginawa nito—ang makipaghiwalay sa karelasyong nagbigay sa kanya ng pasakit at sama ng loob.
Ang akala ng mga nababahalang nakapaligid sa showbiz personality, hindi na ito magigising sa katotohanan dahil mahal na mahal nito ang dating inspirasyon.
Pero nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa, tuluyan nang lumabas ang tunay na ugali ng karelasyon: sinisingil pa nito ang lahat ng kanyang nagastos noong maayos pa ang kanilang pagsasama.
Wala ring kaalam-alam ang showbiz personality na detalyadong ikinukuwento ng karelasyon sa mga kaibigan nito ang mga ginagawa nila sa kanilang mga pribadong sandali, pati na ang lahat ng mga gamit na ibinigay sa kanya.
Malaki ang tsansang madagdagan pa ang mga kuwento tungkol sa karelasyon ng showbiz personality dahil, sa ngayon, galit ang nangingibabaw sa puso ng huli at tila may balak namang siraan siya ng una.
Pero nakahanda ang mga nagmamahal sa showbiz personality, lalo na ang mga malalapit nitong kaibigan, upang ipagtanggol at aliwin ito sa panahon ng kalungkutan nang malimutan ang bangungot na naranasan sa taong hindi karapat-dapat sa kanya.