Kasado na ang pagbabalik-telebisyon ni Willie Revillame at ng Wowowin.
Naganap noong Martes Santo, Marso 26, 2024, ang huling pag-uusap nila ng TV5 network management.
Read: Willie Revillame, kumpirmadong babalik sa TV5; Wowowin, eere pagkatapos ng Eat Bulaga!?
Inaasahang magaganap ang pirmahan ng kontrata ng magkabilang-panig sa Abril 2024.
Siguradong ikagagalak ito ng mga tagasubaybay ni Willie at ng kanyang game at public service program.
Magkakaroon ng pagbabago sa plano ni Willie para sa Wowowin dahil magkakaroon na siya ng bagong studio, hindi na sa kanyang ipinagagawang studio sa Sta. Lucia East Mall sa Cainta, Rizal.
Nauna nang lumabas ang mga ulat na magiging back-to-back program ng Kapatid Network ang Eat Bulaga! at ang Wowowin, pero malalaman ang desisyon ng TV5 management at ni Willie sa mga susunod na araw.
Ang Mediaquest at ang Goodwill Production ni Willie ang mga producer ng Wowowin.
Samantala, umani naman ng sari-saring espekulasyon ang lumabas sa social media na larawan nina Willie at Coco Martin.
Kuha ang litrato ng dalawang popular celebrity sa private resort ni Willie sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, noong Biyernes Santo, Marso 29, 2024.
Kasama nina Willie at Coco sa larawan ang mga co-star ni Coco sa FPJ's Batang Quipo na sina Cherry Pie Picache at John Estrada, na kasama naman ang misis na si Priscilla Meirelles.
May mga nag-isip na maaaring may pinag-usapan sina Willie at Coco tungkol sa mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mundo ng telebisyon na kapwa sila malaking bahagi.
Si Willie ang isa sa mga mapapalad na matagumpay ang TV career, at sinusundan ni Coco ang kanyang mga yapak dahil co-producer na rin ang aktor ng mga programa nito sa telebisyon.