Natukoy na ang kinaroroonan ng dating sexy star na si Josephine Manuel.
Ito ay dahil sa magkakasunod na ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), noong Marso 15, 17, at 18, 2024, tungkol sa paghahanap sa kanya ng kapatid niyang si Vilma Catama.
Related Stories:
- Where is former actress Josephine Manuel?
- Former sexy actress Josephine Manuel, patuloy pa ring pinaghahanap
- Liz Alindogan reveals former actress Josephine Manuel worked for her as housemaid
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga si Josephine ng isang home for the elderly.
Isang social worker na empleyado ng home for the elderly ang nakipag-ugnayan kay Vilma nang makarating sa kanya ang mga report ng PEP.ph.
Nag-umpisa ang pananatili ni Josephine sa home for the elderly noong Disyembre 2022.

Kabilang ang dating aktres sa mga taong naninirahan sa kalsada na kinuha ng mga social worker bilang pagsunod sa utos ng city mayor na kunin, tulungan, at bigyan ng pansamantalang tirahan ang mga homeless person.
Namamalagi noon si Josephine sa EDSA, Cubao, Quezon City. Dito siya dinampot ng mga tauhan ng nabanggit na home shelter na matagal nang naghahanap sa kanyang mga kamag-anak.

Dahil natunton na ang kapatid ni Josephine, kailangan nang kupkupin ni Vilma ang dating aktres.
Ito ngayon ang problema ni Vilma dahil bukod sa maliit ang kanyang bahay, may mga kasama siyang maliliit na bata.
Humihingi si Vilma ng tulong sa mga taong may mabubuting kalooban na puwedeng umampon sa kanyang kapatid na dadalaw-dalawin na lamang niya.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang Cabinet Files sa dating aktor at model na si Lito Gruet, ang founder ng Battle Against Ignorance Foundation (BAIF), ngayong Huwebes, Marso 21.
Ang BAIF ay Cebu-based foundation na tumutulong sa mga homeless people para makapagbagong buhay at mabigyan ng maayos na kinabukasan.
Isa sa mga tinulungan nila ay ang former sexy star na si Brandy Ayala, na malaking-malaki na ang ipinagbago mula nang sagipin siya ng BAI sa kalye ng Tondo, Manila, noong Disyembre 2023.
Read: Dating sexy star Brandy Ayala malaki na ang pagbabago mula nang sagipin ng grupo ni Lito Gruet
Brandy Ayala: Then and now
Nagkasama sina Lito at Josephine sa pelikulang Paraisong Gubat noong 1986.

Gustung-gustong tulungan ni Lito ang dating aktres. Pero dahil sa dami ng mga homeless people na tinutulungan ng BAIF, nangangailangan sila ng karagdagang pondo kaya nananawagan din siya sa mga taong may mabubuting kalooban.
Awang-awa si Lito sa napakalungkot na kinahinatnan ng buhay ni Josephine.
Namayagpag ang showbiz career ni Josephine noong dekada '80 at naging leading lady ng mga sikat na action star sa pelikula, pero dumaan sa mga pagsubok at tila nawalan ng pag-asa.
Kung may mga makapagbibigay ng karagdagang pondo sa BAIF, handa ang organisasyon na kunin si Josephine at dalhin sa Cebu para tulungan siyang makapagbagong buhay tulad ng nangyayari ngayon kay Brandy.