Tinutukan ng international press ang itinuturing na makasaysayang pagdating at pagbisita ni Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios sa Costa Rica noong Lunes, Pebrero 26, 2024 (Martes ng madaling-araw, Pebrero 27, sa Pilipinas).
Si Palacios ang unang babae mula sa Central America at sa Nicaragua na nagwaging Miss Universe.
Pero isa siyang reyna na hindi pa makabalik sa sariling bansa dahil sa mga usapin sa politika.
Read: Sheynnis Palacios di pa nakakabalik ng Nicaragua matapos manalong Miss Universe 2023
Mahigpit ang seguridad para kay Palacios nang dumating siya sa Juan Santamaria International Airport sa Alajuela, Costa Rica.
Pero nabigo ang daan-daang Nicaraguan na tagasuporta ni Palacios na nag-abang sa kanya para makita siya nang personal dahil sa ibang lugar pinadaan ang beauty queen.
Naghintay sa exit ng international flights ng airport ang mga sumusuporta kay Palacios. May mga bitbit silang watawat ng Nicaragua, nagkakantahan ng pambansang awit ng kanilang bansa, at paulit-ulit na isinisigaw ang pangalan ng reigning Miss Universe.
Pero hindi nila nasilayan si Palacios dahil idinaan ito sa domestic flights exit.

Makikita sa mga lumabas na video ang nag-uunahang pagtakbo ng mga miyembro ng media at ng mga tagasuporta ni Palacios dahil pilit nilang hinabol ang sasakyan ng beauty queen na nagbukas ng bintana at kumaway sa kanila.
Read: Pagkapanalo ni Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios, nagbulgar sa political issues sa Nicaragua
“I feel at home. It’s like feeling, like, I’m in my country. Thank you to everyone who supported me,” mensahe ni Palacios para sa mga kababayan niya sa Nicaragua na pumunta sa airport ng Costa Rica para salubungin at batiin siya dahil sa kanyang tagumpay sa 72nd Miss Universe.
Mahigit tatlong buwan na ang nakalilipas mula nang koronahan si Palacios bilang Miss Universe, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakababalik sa Nicaragua para sa kanyang homecoming parade dahil sa mga political issue tulad ng pagsali niya sa isang anti-government protest rally noong 2018.
Magkalapit na bansa ang Nicaragua at ang Costa Rica
Ang pagbisita sa Costa Rica ang tanging pagkakataong naging malapit si Palacios sa sariling bayan na itinuturing siyang bayani at simbolo ng demokrasya ng mga mamamayan, pero hindi makauwi dahil sa mahigpit na patakaran ng pamahalaan ng presidente na si Daniel Ortega.