Tinutukan at sinubaybayan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga pangyayari sa buhay ng dating sexy star na si Brandy Ayala.
August 2020 nang i-report ng writer na ito ang tungkol sa pagkawala ng dating sexy star. Sa taong ito, kasagsagan ng pandemya, nagsimula siyang maging palaboy.
Read: Nawawalang dating sexy star na si Brandy Ayala, namataan sa Mandaluyong
April 2021 nakabalik siya sa bahay niya sa Tondo, Manila.
Read: Brandy Ayala nakauwi na sa bahay sa Tondo matapos ang isang taong pagkawala
November 2023, tinulungan siya ng Battle Against Ignorance Foundation (BAI) na pinamumunuan ng dating aktor at A-lister model na si Lito Gruet.
Read: Lito Gruet, gustong tulungang magbagong-buhay si Brandy Ayala
Dinala ang 58-year-old former star ng BAI sa Safehaven Recovery Village sa Cebu City para alagaan at tulungan na muling magkaroon ng normal na pamumuhay.
Mapapansin ang unti-unting pagbabago sa pagkatao at pisikal na kaanyuan ni Brandy sa mga bagong larawan at video niya na ipinadala ni Gruet sa Cabinet Files.

Malayung-malayo na ang itsura ni Brandy mula sa pagiging taong grasa dahil sa matiyagang pag-aalaga sa kanya.
Mula nang dalhin si Brandy ng BAI sa Cebu noong Disyembre 2023, naranasan niyang pumunta sa parlor sa pangalawang pagkakataon at magpakulay ng buhok.
Read: Dating sexy star Brandy Ayala malaki na ang pagbabago mula nang sagipin ng grupo ni Lito Gruet
Tumanda man ang anyo ni Brandy, mababakas pa rin sa mukha niya ang kagandahang pinagpantasyahan ng mga kalalakihan nung naging aktibo siya sa showbiz taong 1986.
Noong pakalat-kalat siya sa Tondo, isang kapit-bahay ni Brandy ang nagsabing, “Wala nang silbi iyan, sana kunin na siya ni Lord," pero sinagip siya ng BAI mula sa kanyang kaawa-awang kalagayan, at ang sinabi ng staff, "Kung ayaw ninyo kay Brandy, puwes sa amin, mamahalin namin siya.”
Sa tulong at paggabay ni Nanette Maglasang ng Safehaven Recovery Village, tinuturuan si Brandy na magsulat, gumuhit, at magsalita—mga bagay na nakalimutan niya dahil labis na naapektuhan ng karamdaman ang kanyang pag-iisip.
"We still have a long way to go,” ang pahayag ni Gruet sa pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files via Facebook Messenger tungkol sa kalagayan ni Brandy.
"But merong mga improvement na as she is undergoing exercises aside from medication. Nung una, hindi siya maka-focus. Hindi makapagsalita dahil may diperensya sa lalamunan niya.
"Nang dalhin siya sa parlor, natuwa naman siya. Para siyang bata uli, but, little by little, we know she realizes na gumagaling na siya.
"Sumasagot na siya sa mga tanong wherein noon wala lang. Ngumingiti na rin siya unlike before.
"Pero malinis at masunurin siya. She voluntarily fixes her own bed, washes her own plate and utensils."
Ipagdiriwang ni Gruet ang kanyang kaarawan sa darating na Miyerkules, Pebrero 28, 2024, at bilang selebrasyon, plano niyang isama sa isang field trip si Brandy at ang ibang mga taong grasa na dinampot mula sa lansangan at iniligtas ng BAI.
"We will take Brandy and our other eight rescued scholars on a field trip. May magdo-donate ng lechon for them instead na magregalo sa akin,” ani Gruet na hulog ng langit dahil nabigyan niya ng pag-asang mas bumuti ang lagay ng dating sexy star.
Dati kasi, hindi lang siya napabayaan, naging biktima pa ng pananamantala ng mga taong nais na pagkakitaan.
May isa nga siyang kamag-anak na humingi ng paumanhin sa Cabinet Files.
Noong Setyembre 2020, nakiusap ang pamangkin ni Brandy sa writer na ito na bigyan siya ng pera para tubusin diumano ang bangkay ng kanyang namatay na tiya.
Sinabi ng pamangkin na personal daw nitong nakita sa isang punerarya sa Makati City ang bangkay ni Brandy.
Noong mag-imbestiga ang Cabinet Files, napatunayang buhay si Brandy at nagsisinungaling ang kanyang pamangkin na gusto lamang pagkakitaan ang miserableng pamumuhay ng tiyahin niya.
"Sana matulungan n'yo kami sir. Pasensya na kung nakapagsinungaling ako sa inyo noong nakaraan,” ang mensahe ng pamangkin ni Brandy nang ipamukha sa kanya ng Cabinet Files ang pagsisinungaling na ginawa niya noon.