Mapapanood na sa Netflix ang Shake, Rattle & Roll Extreme, ang horror movie ng Regal Entertainment Inc., simula sa Marso 1, 2024.
Hindi pinalad mapili bilang opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2023 ang Shake, Rattle & Roll Extreme kaya ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre 29, 2023.
Read: Shake, Rattle & Roll Extreme uunahan ang mga nakapasok sa MMFF 2023
Naging pabor sa Regal ang nangyari dahil kumita sa takilya ang Shake, Rattle & Roll Extreme na may tatlong kabanata.
Ang cast nito ay pinangungunahan nina Iza Calzado, Jane de Leon, Paul Salas, Paolo Gumabao, Rob Gomez. Mula ito sa direksiyon nina Joey de Guzman, Richard Somes, at Jerrold Tarog.
R-13 ang MTRCB classification sa Shake, Rattle & Roll nang magbukas ito sa mga sinehan sa Pilipinas.
R-18 version ng pelikula ang mapapanood sa Netflix na nangangahulugang mas madudugo ang mga eksenang mapapanood ng Netflix subscribers.
Bukod sa R-18 classification, matutunghayan ang Shake, Rattle & Roll Extreme sa buong mundo at hindi lamang sa Netflix Philippines.
Lubos itong ikinatuwa ng Regal producer na si Roselle Monteverde.
“It’ s a celebration to us Filipinos every time there is a movie that can be seen globally,” sabi ni Roselle nang hingin ng Cabinet Files ang kanyang reaksiyon tungkol sa global Netflix release ng pelikulang ipinagmamalaki niya at umani ng mga papuri mula sa mga netizen na nanood sa mga sinehan.
Dagdag niya, “I am happy for every person who were part of the Shake, Rattle & Roll Extreme version.
"For those who have seen it in cinemas, this version is the R-18 version that will be exclusively shown on Netflix starting March 1, 2024.”