Interesado pa rin ang aktor at Oriental Mindoro vice-governor na si Ejay Falcon na hanapin at makilala ang kanyang French biological father sa kagustuhang mabuo ang pagkatao niya.
Mula nang isilang si Ejay noong Nobyembre 21,1989, hindi na niya nakita ang tunay na ama. Una niya itong sinubukang hanapin noong 2014 pero hindi siya nagtagumpay.
Read: Ejay Falcon's dad moved to tears during actor's inauguration as vice governor
Sa guesting ni Ejay sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, Pebrero 5, 2024, sinabi niya ang pagnanais makilala ang kanyang biological father. Pero hindi na raw masidhi tulad nang dati.
“Siguro, at this moment, hindi na kasinggaya nang dati na talagang halos every day ng buhay ko, hinahanap ko siya.
"Pero ramdam ko sa sarili ko na hanggang ngayon, hindi pa rin ako buo,” sabi ni Ejay.
Tumuntong si Ejay sa GMA compound sa unang pagkakataon dahil mainstay na siya ng Season 2 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Patuloy niya, “Pero nagkataon lang na… ayoko naman sabihing sinukuan ko. But mahabang panahon kasi na sinubukan kong hanapin, hindi ko talaga natatapat na pagwagian ang paghahanap.
“Hindi ko alam ang hitsura niya. Kahit picture, hindi ko nakita.
"Ako kasi, hindi ko alam kung ano ang dating ko sa ibang tao. Hindi ko mahanap sa sarili ko.
"Titingin ako sa salamin, alam ko ang hitsura ko, pero hindi ko…
"Ang hirap kasi kung parang hindi mo nakikita talaga yung tao kasi makikita ko yung mukha ko sa kanya, alam ko.
“Parang, 'Papaano kaya ang tingin sa akin ng ibang tao? Okay ba ako?'
"Iba kasi kapag sarili mo lang. 'Ano yung ugali niya?'
"Minsan tinatanong ko nga ang sarili ko, ‘Saan ko kaya namana yung pagiging seryoso, tahimik?’”
Read: Ejay Falcon clarifies network switching rumors
EJAY'S INSECURITIES
Ipinagtapat ni Ejay ang nararamdamang insecurities, lalo na noong nagsisimula pa lamang ang kanyang showbiz career.
Saad niya, “Punumpuno ako ng insecurities. Pakiramdam ko, ang dami kong kakulangan.
"Nag-artista ako, hindi ko alam kung paano makikipagsabayan sa mga kasamahan ko.
“For example, binigyan ako ng isang project dati, ultimong pambili ng damit para sabayan sa pagpo-promo yung mga kasama ko, hindi ko alam kung paano dahil wala akong pera pambili ng damit.
“Promdi ako. Probinsyano ako. Pakiramdam ko, hindi naman ako guwapo. Dati ang payat-payat ko.
"Hindi ako mayaman. Hindi ako Inglesero. Ang dami kong insecurities sa buhay.
“Tapos kakaunti yung support system ko dati. Talagang tinrabaho ko kung ano yung mga kakulangan sa akin. Kung ano ‘yung kailangang i-improve sa sarili ko.”
PINOY BIG BROTHER BIG WINNER
Nasaktan nang husto si Ejay nang sabihin noon ng isang ama ng Pinoy Big Brother housemate na wala siyang lugar sa showbiz.
Lahad ni Ejay, “Pinakamasakit yung wala akong karapatan, wala akong puwang sa industriyang ito.
“Two weeks before PBB, ang nagsabi, patawarin ninyo po ako, wala na siya rito sa Pilipinas, tatay siya ng isang PBB housemate ko.
“Sabi niya, ‘Paano ka makakapag-artista, hindi ka naman marunong mag-English?’
“Siyempre guilty ako, pero parang nanliit ako nang sobra. Kailangan magaling mag-English? Yun ba ang basehan?”
Hindi na pinangalanan ni Ejay ang taong nanghiya sa kanya at maling-mali ang inasal dahil itinanghal na big winner ng Pinoy Big Brother: Teen Edition Season 2 noong June 2008 at bise-gobernador na ngayon ng Oriental Mindoro ang teenager na minaliit at hinusgahan niya.
