Makalipas ang anim na taon, muling gagawa ng isang action movie ang taekwondo champion at former Makati congressman na si Monsour del Rosario.
Magbibida siya sa Battle Ready, kung saan makakasama niya ang kapwa taekwondo champion na si Pauline Lopez at si Filipino-American mixed martial arts champion Brandon Vera.
Read: Monsour del Rosario wants to do local version of The Expendables with veteran action stars
Personal na nakausap ng Cabinet Files si Monsour sa MAPATA (Makati, Pasay, Taguig) Taekwondo Championship na ginanap sa Amoranto Stadium, Roces Avenue, Quezon City, noong Linggo, Enero 28, 2024.
Dito ay kinumpirma niya ang balita tungkol sa kanyang pagbabalik-pelikula.
“We cannot talk about it yet but it’s an action movie with Brandon Vera and Pauline Lopez.
“We’ll start shooting in March. Nag-meeting na kami, nag-brainstorming kami sa kuwento ng action film na yan.
"Sooner or later, mapapanood na ‘yan," sabi ni Monsour, na kasama rin sa cast ng Black Rider, ang primetime drama-action series ng GMA-7.
Read: Ruru Madrid "starstruck" working with top action stars for Black Rider
Dumalo si Monsour sa MAPATA Taekwondo Championship dahil bukod sa personal na imbitasyon ni Pauline, suportado niya ang mga kabataang naglalaro ng taekwondo na malapit na malapit sa kanyang puso.
Puring-puri ni Monsour si Pauline dahil sa pagmamahal nito sa kanilang sport at sa tiyaga sa pagtuturo sa mga kabataan na nais na matuto ng taekwondo.
“Si Pauline ang idol ng mga batang babae. Idol siya ng anak ko sa taekwondo,” sabi ni Monsour, na naniniwalang magagawa ni Pauline na pagsabayin ang paglalaro ng taekwondo at ang pagkakaroon ng showbiz career.
Pinayuhan naman ni Monsour na napanatili na matikas ang pangangatawan ang young taekwondo players na magpasalamat sa mga magulang nila at huwag malulungkot kung hindi man sila manalo ng medalya sa patimpalak na kanilang sinalihan.
“Kahit hindi kayo makakuha ng medal, okay lang,” sabi ni Monsour sa MAPATA participants.
“Hindi lahat ng first timers ay kayang manalo ng medal. Ang importante, ituluy-tuloy ninyo ang practice ninyo and gain as much experience as you can in every other competitions that you join.
“Itong pagsasalita ko sa harap ninyo, 1990 ko pa ginagawa. Thirty-four years na akong nagsasalita sa harap ng maraming taekwondo players kaya ako ay natutuwa dahil tuluy-tuloy pa rin ang mga bata sa pagpraktis ng taekwondo.
“Kayong mga bata, magpasalamat kayo sa mga magulang ninyo kasi ang mga magulang ngayon ay very supportive sa kanilang mga anak na naglalaro ng taekwondo.
"Kaya pagkatapos ng competition, magpasalamat kayo sa mga mommy at daddy ninyo dahil noong panahon namin, hindi kami masyadong sinusuportahan. Hindi nila naiintindihan ang taekwondo noong time na yon.”