Malaki ang impluwensya kay Candy Pangilinan ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.
Isa ito sa mga naging instrumento para maisulat niya ang screenplay ng Roadtrip, ang pelikula na tinatampukan nila ng kanyang mga kaibigan na sina Carmina Villarroel, Janice de Belen, at Gelli de Belen.
Read: Gelli de Belen, Carmina Villarroel, Candy Pangilinan, at Janice de Belen nagkaiyakan sa presscon
Kuwento ni Candy, "Nakapila ako dati kay Sir Ricky Lee for the workshop, kay Sir Ricky Lee scriptwriting workshop. Eventually, nakita ko siya sa UP Town.
"Kinausap ko siya. Sinabi ko, 'Sir Ricky, gusto ko po talagang mag-aral po sa inyo. Kung puwede po ninyo akong isali.'
"Nakasali po ako. Doon ko nabuo ito, dun ko nabuo itong Roadtrip, sa workshop po ni Sir Ricky."
Natagalan bago nagawa na pelikula ang kuwento na isinulat ni Candy dahil nagkaroon ito ng revisions at naapektuhan ng coronavirus pandemic.
"The first draft, yes, kasi marami na pong draft na nangyari bilang una po rito ay pre-pandemic, pandemic, during pandemic," pagtatapat ni Candy.
"Meron pa pala yung patapos na ng pandemic, post pandemic, bumalik na yung pandemic, magpa-pandemic na naman, paiba-iba.
"Marami na pong revisions yung nangyari. From fifteen days, eleven days, alam niyo na po yung mga ganyan."
Bukod sa mga kaibigan niya ang bida sa Roadtrip, kaibigan din ni Candy ang direktor ng pelikula, si Andoy Ranay.
Pinili ni Candy na makatrabaho ang mga tao na malalapit sa kanyang puso para mabilis na matapos ang pagsasapelikula ng Roadtrip.
Ani Candy, "Siyempre, first time ko gumawa ng screenplay para ho madali sana, yung kaibigan ko ang kukunin mo para mas madaling kausap.
"Yung direktor mo, kaibigan mo rin para mas madali rin po.
"Actually, the script, although matagal na talaga naming gustong gumawa ng pelikula, nagsi-SIS pa lang sila, kapag nagge-guest ako, parati naming napag-uusapan,sana makagawa tayo ng pelikula."
Read: Bagong Pinoy movies, kumusta sa takilya matapos ang MMFF season?
Ang tinukoy ni Candy na "SIS" ay ang morning talk show noon nina Gelli, Janice, at Carmina sa GMA-7.
Lahad pa ni Candy, "Meron na kaming mga naiisip na istorya, kung anu-anong mga istorya. Kung anu-ano na ang nangyari.”
Makaraan ang apat na taon, naging ganap na pelikula ang screenplay na isinulat ni Candy na may pamagat na Roadtrip at nagbukas sa mga sinehan noong Enero 17, 2024.
Tumanggap ng mga papuri mula sa manonood ang Roadtrip kaya hindi imposible na masundan ang mga writing assignment ni Candy dahil napatunayan nito ang kakayahan bilang mahusay na manunulat ng mga kuwento na pampelikula.