Nag-umpisa noong Enero 15, 2024 ang shooting ni Julia Barretto para sa Secret Ingredient, ang regional series ng Viu na pinagbibidahan nila ng Korean actor na si Sang Heon Lee at ng Indonesian actor at film producer na si Nicholas Saputra.
Ang shooting ng Secret Ingredients ang isa sa mga rason kaya nag-umpisa nang mag-promote si Julia ng Ikaw Pa Rin ang Pipiliin Ko, ang pelikula nila ni Aga Muhlach na ipalalabas sa mga sinehan sa Pebrero 7, 2024 dahil magiging abala na siya sa proyekto nila nina Sang Heon at Nicholas.
Noong Biyernes ng gabi, Enero 19, 2024, naganap sa isang five-star hotel ang dinner ng mga executive ng Viu mula sa Singapore, kasama sina Julia, Sang Heon, at Nicholas na dumating mula sa Indonesia.
Opisyal na inanunsyo sa nangyari na pagtitipon ang serye na tatampukan ni Julia at ng dalawang sikat na aktor mula sa South Korea at Indonesia.
Nakilala si Sang Heon sa Xo, Kitty, ang romantic comedy drama series na napapanood sa Netflix mula pa noong Mayo 18, 2023, samantalang isang award-winning actor si Nicholas sa Indonesia.
Maya ang pangalan ng karakter na ginagampanan ni Julia sa Secret Ingredient; at pinaghandaan niyang mabuti ang kanyang chef role sa nabanggit na regional series na may anim na kabanata dahil nag-aral siya sa isang culinary school.
Bago nagsimula ang trabaho niya para sa Secret Ingredient, ibinahagi ni Julia sa social media account niya ang kanyang mga larawan na kuha sa culinary school na may caption na "Learning something new, for something new."
Mabilis naman na kumalat ang balita na naririto sa Pilipinas si Sang Heon at co-star niya si Julia sa isang sikretong proyekto dahil sa Instagram stories na kanyang inilabas noong Huwebes, Enero 18, 2024.
Tuluyan nang nalaman ng publiko ang mga detalye tungkol sa secret project na tinutukoy ng Korean actor dahil sa official announcement ng Viu noong Biyernes ng gabi tungkol sa Secret Ingredient.
Si Jo Young-gwang ang direktor ng Secret Ingredient na inaasahan na matatapos ang shooting sa susunod na buwan.
Read: Really? Kathryn Bernardo unfollows Liza Soberano, Julia Barretto, Gillian Vicencio on Instagram