Isang buwan na ngayong Miyerkules, Enero 17, 2024, buhat nang masawi ang veteran at multi-awarded actor na si Ronaldo Valdez.
Pumanaw si Ronaldo, sa edad na 77, noong Disyembre 17, 2023.
Read: Veteran actor Ronaldo Valdez dies at 77
Ipina-cremate agad ng naulilang pamilya ni Ronaldo ang kanyang mga labi na ibinurol sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe, Makati City, mula Disyembre 18 hanggang Disyembre 19, 2023.
Read: Burol para sa mga labi ng veteran actor na si Ronaldo Valdez nagsimula na
Marami ang nagtatanong kung saan inilibing ang sinunog na bangkay ni Ronaldo kaya ito ang inusisa namin kay Janno nang makausap siya ng Cabinet Files sa press conference ng Itutumba Ka ng Tatay Ko sa Viva Café kahapon, Enero 16, 2024.
Sinabi ni Janno na nasa pag-iingat ng kanyang kapatid na si Melissa Gibbs ang cremated remains ng kanilang ama, pero hindi pa nila napagdedesisyunan ang araw ng inurnment o paglilibing.
Gugunitain ng pamilya Gibbs sa Enero 25 ang ika-40 araw ng paglisan ni Ronaldo.
Itinuwid ni Janno ang balitang magkakaroon sila ng celebration of life gathering sa 40th day ng pagkawala ng kanyang ama. Isang misa lamang daw ang magaganap na dadaluhan ng immediate family members.
Ang Itutumba Ka ng Tatay Ko ang isa sa mga huling pelikulang ginawa ni Ronaldo.
Ayon kay Janno, tribute niya kay Philippine King of Movies Fernando Poe Jr. at King of Comedy Dolphy ang kanyang unang movie directorial job.
Comedy ang genre na pinili ni Janno na unang proyekto niya bilang direktor dahil sa kanyang napansing kakaunti lamang ang comedy movie directors.
“I want to be a comedy director because we need it. Kailangang-kailangan natin ngayon.
"Marami na tayong drama directors, horror directors, and kokonti lang yung comedy directors so we need it," saad ng first-time director.