Noong Agosto 2014, inamin ni Janno Gibbs sa isang TV interview ang pagkakaroon niya ng matinding depresyon na naging dahilan para tamarin siyang lumabas ng bahay at huwag magtrabaho.
Read: Janno Gibbs admits battle with depression over weight problem
Ang depresyong naranasan noon ni Janno ang rason kaya sinabi namin sa kanyang alagaan niya ang sarili nang magkita kami sa media conference ng pelikulang Itutumba Ka ng Tatay Ko nitong Martes ng hapon, Enero 16, 2024.
Si Janno ang bida at direktor ng Itutumba Ka ng Tatay Ko, na ipalalabas sa mga sinehan sa Enero 24, 2024.
Nang mawala ang kanyang amang si Ronaldo Valdez noong Disyembre 17, 2023, marami ang nag-alala para sa kalagayan ni Janno dahil baka muling bumalik ang depresyon niya dahil sa trahedyang sumapit sa pamilya nila.
Read: Janno Gibbs asks for public apology over mishandling of investigation of dad Ronaldo Valdez's death
“Walang dapat ipag-alala. Okay na okay ako,” sagot ni Janno nang sabihin naming alagaan niya ang sarili.
Nakatulong kay Janno ang pagbabakasyon nila ng kanyang pamilya sa ibang bansa noong Disyembre 20, 2023, tatlong araw matapos sumakabilang-buhay ang tatay niya.
Matagal nang nakaplano ang Christmas vacation ng pamilya ni Janno at nang mangyari ang trahedya, sinabi ng isang anak niyang huwag na nilang ituloy ang pag-alis ng bansa. Pero tumanggi siya.
Read: Janno Gibbs claps back at netizen questioning family’s Japan trip after dad Ronaldo Valdez’s passing
“That travel, which got some bashing also, sabi ng iba parang nagsasaya agad after, but that was a scheduled trip which, noong una, one of my kids said, ‘Wag na nating ituloy dahil nangyari ito.’
“Sabi ko, 'Hindi. The more we should go through with it. Ituloy natin because we need it para makahinga. Para makalayo sa mga tsismis and everything.'
"It helped a lot."
Dagdag pa ni Janno, “Family is the best comfort.
"Medyo sa ngayon, hanggang ngayon, hindi kami puwedeng mapag-isa so kailangan kung nasaan yung isa, dadamayan, sasamahan mo.
“Hindi pa kami… wala pa kami sa stage na yon. So, hindi pa kami puwedeng mag-isa. Kailangan magkakasama kami.”
Ang Itutumba Ka ng Tatay Ko ang movie directorial debut ni Janno at katuparan ng kanyang pangarap maging direktor ng tatay niya sa isang proyekto.
“He’s been living with me for almost a year so umpisa pa lang, concept pa lang, all throughout the process, ikinukuwento ko na sa kanya. Nagkukuwentuhan na kami.
“He’s really proud of me,” lahad ni Janno.
Walang kamalay-malay si Janno na ang Itutumba Ka ng Tatay Ko ang una at huling pagkakataong magiging direktor siya ng kanyang ama sa isang pelikula.