Naririto sa Pilipinas ang Korean actress na si Park Eun-hye at ang Infinite boy band main vocalist na si Nam Woo-hyun para sa shooting ng The Guardian, ang pelikulang pagbibidahan nila at kukunan ang lahat ng mga eksena sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Co-production ito ng Viva Films sa isang Korean film company.
Dumalo sina Park at Nam, kasama ang Korean at Filipino cast, sa media conference ng The Guardian na ginanap sa Viva Café, Quezon City, nitong Huwebes ng tanghali, Enero 11, 2024.
Read: Former Infinite member Nam Woo-hyun magsu-shooting ng action movie sa Pilipinas
View this post on Instagram
Sa tulong ng isang Korean interpreter, inilahad nila ang kanilang kagalakan dahil nabigyan sila ng pagkakataong gumawa ng pelikula sa ating bansa.
Natuwa si Park nang malaman nitong kilala siya ng maraming Pilipino dahil sa partisipasyon niya sa Jewel in the Palace, ang 2003 South Korean historical drama series na ipinalabas sa GMA-7 mula Nobyembre 2005 hanggang Hunyo 2006.
Si Park ang gumanap na matalik na kaibigan ni Jang-Geum, ang lead character sa Jewel in the Palace, pero nagkaroon din siya ng relasyon sa hari ng Joseon Dynasty.
Tinangkilik ng mga Pilipino ang Jewel in the Palace at dahil sa popularidad nito, muling napapanood sa GTV mula pa noong Disyembre 1, 2023.
“It was a very good unexpected opportunity when I started in Jewel in the Palace. I am so happy to hear that Jewel in the Palace is still popular here in the Philippines, “ sabi ni Park.
Masaya si Park sa unang pagkakataon na pagbisita niya sa Pilipinas dahil mababait umano ang mga Pilipino na kanyang nakakasalamuha.
Si Nam ang bida sa The Guardian at si Park ang gaganap bilang nanay niya.
Ang shooting sa Pilipinas ng launching movie niya bilang action star ang ikatlong pagkakataon ng pagdalaw ni Nam sa ating bansa.
Sinabi ni Nam na mahilig itong manood ng mga pelikula kaya nagkaroon siya ng interes sa pag-arte kaya malaking oportunidad na ipinagkatiwala sa kanya ang lead role ng The Guardian.
“I like working onstage singing but when I watch movies and drama [series], I am very interested,” pahayag niya.
Sinasanay na ni Nam ang sariling tawaging "Omma" si Park dahil ito nga ang gaganap na nanay niya sa The Guardian.
Magsisimula ang shooting ng Korean cast ng pelikula sa Enero 18, 2024.