Hunyo 2023 nang ibalita ni Benz Sangalang na magbibida siya sa 2023 version ng Totoy Mola at magsisimula ang shooting niya noong Hulyo 2023.
Pero hindi ito natuloy.
Ang Totoy Mola ang launching film ni Jay Manalo noong 1997.
Read: Benz Sanggalang, bibida sa pelikulang unang pinasikat ni Jay Manalo
Sa presscon ng kanyang bagong proyekto para sa Vivamax, ang Karinyo Brutal, sinabi ni Benz na naantala ang pagsasapelikula sa Totoy Mola dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.
“Nasa proseso na po siya. Kung tutuusin, yun po talaga after ng Karinyo Brutal ang next project ko.
“Pero yung Totoy Mola po na gagawin ko, iba na yung title.
"Parang lalagyan na lang ng Anak Ni Totoy Mola, pero meron po akong sariling titulo,” paliwanag ni Benz tungkol sa naudlot na shooting ng launching movie niya.
Pinalitan na rin ang direktor ng gagawing pelikula ni Benz.
“Tuloy na tuloy po. Yun po ang pinag-usapan namin ng mga Viva boss,” dagdag na pahayag ni Benz.
Aminado ang sexy actor na nakakaramdam ng kaba sa pagbibida niya sa pelikula.
“Kung tutuusin, sobrang pressured po. Siyempre, baka hindi masyadong… Sa akin naman, artista ako, gagawin ko na lang.
“Aayusin ko na lang ang pag-arte kasi more of sequel siya, hindi remake. Parang anak ako ni Totoy Mola.”
Hindi pa alam ni Benz kung sino ang mga babaeng makakapareha niya sa sequel ng Totoy Mola, pero tiniyak niyang mag-uumpisa ang shooting nila bago matapos ang Enero 2024.
Ang Karinyo Brutal, na pinangungunahan nila ng Vivamax sexy star na si Apple Dy at magsisimula ang streaming sa Enero 12, ang unang proyekto ni Benz ngayong 2024.
Susundan nga ito ng Anak ni Totoy Mola.
Nilinaw ng direktor ng Karinyo Brutal na si Joey Reyes na ibang-iba ang kuwento nito sa Cariño Brutal, ang pelikulang pinagbidahan ni Rosanna Roces 1998.
Si Joey rin ang direktor ng Secrets, ang kauna-unahang pelikula ni Benz, kaya malaki ang pasasalamat ng sexy actor sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng multi-awarded filmmaker.
“Ang first movie ko Direk Joey, Secrets, kaya laking pasasalamat ko sa kanya. Siya ang nagbukas ng pinto para sa akin.
“Mabait po siya saka no pressure. Sa totoo lang po, sa lahat ng mga direktor sa Viva, napakabilis niyang magtrabaho.
“Kumbaga, late yung calltime, maaga ang pack-up. Kapag si Direk Joey ang direktor, easy money,” sabi ni Benz tungkol sa direktor na pinagkakautangan niya ng utang na loob.