Nagbalik-loob sa Panginoong Diyos ang isang aktres na nakaranas ng mga panghuhusga dahil siya ang pinaratangang third party sa paghihiwalay ng isang showbiz couple.
Matapos umanib sa isang religious community ang aktres, pinayuhan siya ng kanyang pastor na humingi ng kapatawaran sa lahat ng mga taong nagawan niya ng pagkakamali.
Sinunod ng aktres ang tagubilin ng pastor para gumaan ang kanyang kalooban at maging kapuri-puri siya sa paningin ng Poong Maykapal.
Nakipag-ugnayan ang aktres sa kapwa aktres nito para ihingi ng kapatawaran ang kanyang pagkakamali ilang taon na ang nakalilipas—ang pagpatol niya sa boyfriend ng kapwa aktres.
Maganda ang motibo ng aktres—ang palayain ang sarili mula sa mga kasalanang ginawa at ituwid ang mga pagkakamali niya.
Pero iba ang naging resulta ng kanyang pagpapakumbaba dahil siya ang pinagbintangang ugat ng paghihiwalay ng dating magkarelasyon.
Nasaktan nang husto ang aktres dahil dinurog nang husto ng mga nakikisimpatiya sa girlfriend ng aktor ang kanyang pagkatao.
Personal at matitindi ang mga atake laban sa kanya.
Pero imbes na ipagtanggol ang sarili at ituwid ang maling haka-haka ng publiko, pinili ng aktres na huwag magsalita dahil maselan ang usaping puwedeng ikapahamak ng ex-boyfriend ng kapwa aktres.
May aral na matututunan mula sa malungkot na karanasan ng aktres na nagpakatotoo.
Kung minsan, mas makabubuting direktang ihingi ng kapatawaran sa Diyos ang ating mga pagkakamali.
Kahit mabuti ang mga layunin natin, may mga taong higit na nangingibabaw ang damdamin kaya hindi madali para sa kanila ang makaunawa at magpatawad agad, lalo na kung sila mismo ang nakapagpatunay sa pagtataksil ng mga taong minahal at pinagkatiwalaan nila.
Sa kaso ng aktres, ang pagsisiwalat niya tungkol sa nakaraan nila ng aktor sa girlfriend nito ang naghatid ng kaguluhan sa kanyang buhay.