Sa loob ng pitong buwan mula nang maging co-host siya ng revamped Eat Bulaga! noong Hunyo 2023, nakasanayan na ni Buboy Villar na sabihin ang naturang pamagat kaya may mga pagkakataong nababanggit pa rin niya ang lumang titulo ng noontime variety program ng TAPE Inc. na napapanood sa GMA-7.
Bunsod ng desisyon ng Marikina Regional Trial Court sa kasong copyright infringement at unfair competition na isinampa nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, naging Tahanang Pinakamasaya na ang pamagat ng kinabibilangan niyang noontime show.
Read: TVJ wins copyright infringement, unfair competition cases vs TAPE, GMA-7
“Siyempre po, hindi maiiwasan talaga kung ano yung nakasanayan. I mean, kahit po sabihin, siyempre muscle memory na kung tawagin.
"Pero sa amin po, okay lang po. Kumbaga, hindi naman kami perpekto. Lahat naman po nagkakamali.
"Basta the show must go on. Tuluy-tuloy lang po," pahayag ni Buboy nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Martes ng gabi, Enero 9, 2024.
Ano ang naging reaksiyon ni Buboy nang malaman niya ang naging desisyon ng korte noong Biyernes, January 5?
Sagot ng TV host-comedian, “Okay lang naman po kasi tiwala naman po ako sa pamilya na nabuo po namin sa Tahanang Pinakamasaya.
“Nagtiwala rin ako kay Yor-Pao," pagtukoy niya sa main hosts ng programa na sina Isko Moreno at Paolo Contis.
"At sa dami ng mga bagong segment na inihanda ng Tahanang Pinakamasaya, okay po. Masaya naman po.”
Read: Paolo Contis binalikan sa sinabi niya noong "mahaba pa ang laban"
Anim na linggong hindi mapapanood si Buboy sa live broadcast ng Tahanang Pinakamasaya.
Bibiyahe na siya sa South Korea sa Enero 15, 2024 para sa taping ng winter edition at Season 2 ng Running Man Philippines ng GMA-7.
Tiniyak ni Buboy na naayos na ang kanyang schedule bago siya umalis sa Lunes para hindi magkaroon ng problema sa ibang showbiz commitment niya.
Read: Running Man Philippines Season 2 kabilang sa mga bagong GMA-7 shows ngayong 2024
“Ang schedule ko sa Running Man, mga six weeks," banggit niya.
"Naayos naman po ang schedule ko. Hindi naman po gagalaw ang management na hindi po maayos ang dalawang partido. Kasama po talaga sa plano po yon.”
View this post on Instagram
Pinaghahandaang mabuti ni Buboy ang malamig na panahon sa bansang pupuntahan nila ng kanyang mga kasama sa Running Man.
“For sure, lalamigin ako kasi punumpuno po talaga ng yelo. Hindi naman po ako sanay sa lamig dahil wala naman yelo sa Pilipinas.
“Ready lang ako. Kung ano yung sinabi ng staff, basta magdala ako ng panlamig at ang pinaka-main goal, huwag magkasakit,” sabi ni Buboy.
May mensahe rin si Buboy para sa mga manonood ng Tahanang Pinakamasaya na buong-buo ang suporta sa programa nila.
“Gusto kong magpasalamat sa viewers namin, sa mga sumusuporta sa Tahanang Pinakamasaya. Maraming-maraming salamat po sa inyo kasi kung hindi dahil sa inyo, hindi po ito matutuloy.
“Nandiyan po kayo, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong at saya sa Tahanang Pinakamasaya.
"Kahit po wala ako, ang pamilya ko sa Tahanang Pinakamasaya ang bahala po sa inyo.
“Hindi pa rin naman po ako mawawala kasi makikita ninyo pa rin ako sa social media. Naka-focus pa rin ako sa Tahanang Pinakamasaya dahil pamilya ko yon.”