Mas malaki ang nationwide gross ng 49th Metro Manila Film Festival kahapon, Sabado, Disyembre 30, 2023, kung ikukumpara sa opening day noong Disyembre 25, 2023.
Mahigit sa PHP82 million ang first-day gross ng 49th MMFF sa Araw ng Pasko.
Pumalo naman sa mahigit PHP95 million ang kabuuang kita ng sampung pelikula noong Rizal Day.
Nangunguna pa rin ang Rewind, ang pelikulang pinagbibidahan ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Pangalawa ang Mallari ni Piolo Pascual.
Sinundan ito ng GomBurZa, ang 2nd Best Picture.
At ng Firefly, ang Best Picture ng 49th MMFF.
Nasa Top 5 ang Sharon Cuneta-Alden Richards starrer na A Family of Two.
Base sa impormasyong nakalap ng Cabinet Files, malaki ang naitulong ng mga parangal na natanggap ng GomBurZa at Firefly sa pagpaparami ng nanood sa mga pelikulang ito, isang araw matapos idaos ang Gabi ng Parangal noong Disyembre 27.
Halos naging doble ang kita nila noong December 28, at tuluy-tuloy ang pag-akyat ng kita.
Nadagdagan pa ang kanilang mga sinehan, at nag-iingay na rin ang mga rave reviews sa social media.
Read:
Male showbiz personality, humagulgol nang di manalo sa MMFF 2023 Gabi Ng Parangal
Vilma Santos, Cedrick Juan, Firefly, Gomburza win big at MMFF 2023 Gabi Ng Parangal
Marian Rivera dazzles at MMFF 2023 Gabi ng Parangal; wears identical gown worn by Taylor Swift
Ang Mallari naman ay steady sa Number Two.
Dahil ba gusto talaga ng mga Pilipino ang horror-thriller genre o dahil sa charm ni Piolo? Kung ano't ano man, consistently, hindi ito natitinag sa Top 2 slot. Upward trend din ang kita nito simula December 28.
Para sa ilang pelikula, ang pagbagsak sa box-office gross sales ay nagsimula sa Day Two o December 26.
Abangan natin sa susunod na mga araw kung magkakaroon ng rigodon, lalo't magkakalapit ang box-office gross sales ng mga pelikula sa kanilang ranking.
Pero nananatiling malayo ang agwat ng Rewind sa ibang mga pelikula.
Kaya tiyak nang ang Dingdong-Marian starrer ang top-grosser sa 49th MMFF.
Sigurado ring madadagdagan pa ang kikitain nito sa mga susunod na araw.
Malaking bagay ang ipinamalas na sipag nina Dingdong at Marian sa pagbisita sa mga sinehan kung saan ipinapalabas ang kanilang pelikula.
Matibay na patunay ang pagdagsa ng mga tao sa sinehan sa isang mall sa Pampanga na dinalaw ng mag-asawa. Nagpaiyak ito kay Marian dahil ramdam na ramdam nito ang mainit na suporta at pagmamahal ng publiko habang nakapuwesto sila ni Dingdong sa escalator.

Kung magpapatuloy ang winning streak ng Rewind, hindi malayo ang posibilidad na sina Dingdong at Marian ang tanghaling Box-Office King & Queen ng 2023.