Isang malaking karangalan para kay Eisel Serrano na mapili bilang co-host ni Giselle Sanchez sa Gabi ng Parangal ng 49th Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontier Theater noong Disyembre 27, 2023.

Bilang baguhan na aktres, hindi naging madali para kay Eisel ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanya kaya nakaramdam siya ng matinding kaba sa unang hosting job niya sa Gabi ng Parangal ng MMFF.
“When they’ve asked me to host po I did not know that my co-host was Miss Giselle Sanchez, but it is an honor to co-host with her because she has been a veteran on this line of work.
“When they asked me to do it, of course, there were doubts in myself but who am I to not accept po this chance and opportunity to do it?” ang pahayag ni Eisel sa panayam sa kanya ng Cabinet Files ngayong Sabado nang gabi, Disyembre 30, 2023.
At dahil marami pa ang hindi nakakakilala kay Eisel, may mga nagtanong tungkol sa kanyang pagkatao. Nagkaroon din ng mga maling haka-haka na baka kamag-anak si Eisel ng mga tao na nagpapatakbo sa MMDA at Metro Manila Film Festival kaya nabigyan siya ng magandang exposure sa Gabi ng Parangal.
Para sa kaalaman ng mga nagtatanong, nag-umpisa ang acting career ni Eisel bilang contract star ng Star Magic noong 2019 at noong June 2023, lumipat at pumirma siya ng kontrata sa Viva Artists Agency ng Viva Entertainment.
Unang naging bahagi si Eisel ng isang film festival noong Abril 2023 dahil siya ang leading lady ni Carlo Aquino sa Love You Long Time na opisyal na kalahok sa 1st Metro Manila Summer Festival.

At bilang paghahanda sa hosting job niya sa Gabi ng Parangal ng 49th Metro Manila Film Festival, nanood ng mga hosting event ang cum laude graduate ng Travel Management mula sa University of Santo Tomas para mahasa ang kanyang kakayahan.
“I have been watching hosting events po to know how it’s been done.
“It has been a great experience, doing it for the first time was not easy. But since they have gave me their trust to host the event, I gave the best that I could.
“Kinabahan po ako at first but I trusted God’s guidance,” ang kuwento ni Eisel na hindi makapaniwala na makikita niya sa personal ang mga sikat na artista na may mga pelikula na kasali sa 49th Metro Manila Film Festival.
“Na-starstruck po ako at kinabahan since bigatin at malalaking tao ang dumalo sa event. Very honored po ako to be there.
“Makita ko lang po sila at makasama na tumayo sa entablado ay isang karangalan na hindi ko po makakalimutan,” ani Eisel na tanggap na makakarinig siya ng mga positibo at negatibo na mga komento bilang baguhang host ng isang malaking pagtitipon.
“There have been positive comments which I am thankful for dahil unang beses ko po ito ginawa, but in anything that we do hindi naman din po mawawala ang mga negative feedback but in everything that I do, I accept everything and use them to be better in the future.”