Biktima ng emotional blackmail at mental torture ang aktor dahil ipinagkakait ng kanyang dating karelasyon na makita niya ang kanilang anak na nagdiwang ng kaarawan kamakailan lang.
Mahal na mahal ng aktor ang kanyang anak kaya ginagawa niya ang lahat ng paraan para magkasundo sila ng kanyang ex-girlfriend, pero matigas ang puso nito.
Nang magdiwang ng kaarawan ang kanilang anak, hindi imbitado ang aktor, kahit nagpadala siya ng malaking halaga ng pera para sa naganap na selebrasyon.
Nalaman lamang ng aktor ang lugar na pinagdausan ng birthday party ng kanyang anak dahil tinutukan niya ang Instagram stories ng dating karelasyon.
Nang makita ng aktor sa Instagram Stories na nagaganap ang pagdiriwang sa isang fast food restaurant sa Makati City, pumunta agad siya sa naturang siyudad at inisa-isa niya ang lahat ng sangay ng kainan.
Nagtagumpay ang aktor na mahanap ang fast food chain branch na kanyang huling pinuntahan.
Pero pagdating niya, tapos na ang pagdiriwang, wala na ang mga bisita at ang may kaarawan.
Tanging ang birthday banner na lamang ang naabutan ng aktor na labis na nalungkot dahil hindi niya nakapiling ang kanyang anak sa importanteng araw sa buhay nito.
Ang anak niya ang pinakamalaking kahinaan ng aktor at ito ang ginagamit ng kanyang dating karelasyon para hindi siya maging masaya.
Hindi niya makikita ang kanilang anak ang madalas na panakot ng ex-girlfriend para makontrol nito ang aktor na pinanghihinaan ng loob kapag idinadamay ang inosenteng bata sa mga personal na problema nila.