Sa gitna ng mga kontrobersya tungkol sa malungkot na pagkamatay ni Ronaldo Valdez, paghihiwalay at mga eskandalo na kinasasangkutan ng mga magkakarelasyon na artista, isang kuwento na nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon ang nangibabaw—ang karanasan ni Maureen Larrazabal nang mabulag ito at sumailalim sa cornea transplant surgery, halos dalawang dekada na ang nakalilipas.
Inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Disyembre 16, 2023 ang eksklusibong panayam kay Maureen tungkol sa operasyon na pinagdaanan nito.
Ibinahagi rin niya ang kagustuhang makilala ang pamilya ng kanyang cornea donor na malabo na mangyari dahil sa confidentiality clause sa kasunduan sa pagitan ng doktor at ng mga kamag-anak ng nasawi.
Si Dr. Minguita Padilla, ang founder, president at CEO ng Eye Bank Foundation of the Philippines ang doktor ni Maureen nang operahan ito sa Makati Medical Center.
At noong nakaraang Martes, Disyembre 19, 2023, nakatanggap ng mensahe ang Cabinet Files mula sa isang kakilala niya.
Nabasa ni Dr. Padilla ang artikulo ng PEP.ph tungkol kay Maureen, at sa pamamagitan ng Cabinet Files, hiningi niya ang contact number ng aktres kaya muli silang nagkaroon ng komunikasyon makaraan ang matagal na panahon.
"I am seeing Dr. Padilla for an interview," ang lahad ni Maureen nang makausap siya ng Cabinet Files.
"Nabasa niya ang article and she will do the interview about what happened to me. This will help Eye Bank Foundation of the Philippines kaya we will do it together.
"Because of your article, we will able to help Eye Bank immensely.
"Yung purpose of helping and inspiring others, nakuha natin with your article."
Natutuwa si Maureen dahil magbibigay ng inspirasyon at pag-asa sa mga Pilipino na may problema sa mata na tulad ng nangyari sa kanya ang karanasan niya noon.
Nagpapasalamat si Maureen dahil ngayong Pasko, ginamit siya ng Panginoong Diyos na instrumento para makapaghatid ng pag-asa sa mga Pilipino na may karamdaman sa paningin.
Sa naunang artikulo ng PEP.ph, ibinahagi ng dalaga na nabulag ang kanyang kaliwang mata at lumabo ang kanang paningin dahil sa insidente matapos niyang makatulugan na suot ang kanyang contact lens noon.
Dalawang taon iyong dinanas ng aktres bago siya nahanapan ng eye donor.
Balik-tanaw ni Maureen: "Imagine how some people we know sometimes even close to us na buhay can cause so much damage and pain sa atin samantalang someone who already passed, hindi kami magkakilala but he gave my life back to me. Even in death, he had a purpose.
"The experience made me realize so many things pero dalawa ang tumatak talaga sa akin — ang gratitude to what GOD has given to us for free na huwag i-take for granted dahil hindi natin malalaman how important something is until it's gone.
"Not everyone is given a second chance like what happened to me na I was able to see again."
Read: Maureen Larrazabal, eternally grateful sa anonymous corneal transplant donor