Ang production staff ng Wowowin ang isa sa mga dahilan kaya nagpasya si Willie Revillame na magkaroon ng limited engagement ang Wowowin mula Disyembre 18, 2023, hanggang bukas, Disyembre 22, 2023.
Read: Willie Revillame hindi akalaing milyun-milyon ang tumutok sa Pamaskong Handog ng Wowowin
Sinabi ni Willie sa Cabinet Files na gusto niyang maging masaya ang Pasko ng kanyang mga tauhan na hindi siya iniwan kahit nawala sa telebisyon ang kanyang game at public service program.
Kahapon, Miyerkules, Disyembre 20, 2023, isang sorpresa ang natanggap ni Willie mula sa lightmen, cameramen, at sound engineer ng GMA-7.
Personal siyang binisita ng mga ito sa penthouse studio ng Wowowin sa Wil Tower.
Read: GMA-7, wala pang maibibigay na timeslot kay Willie Revillame
Perfectionist si Willie sa trabaho pero hindi niya inaasahang malaki ang pagpapahalaga ng mga dating kasamahan sa kanyang mga itinuro.
Nagpasalamat kay Willie ang kanyang mga bisita dahil sa maraming aral na kanilang natutunan mula sa kanya na nagagamit nila ngayon.
“Dinalaw nila ako. Sabi nila, miss daw nila ako at ang Wowowin.
"Nakaka-touch ang mga taong ito dahil, ibig sabihin, mahal nila ako at ang Wowowin,” tuwang-tuwang pahayag ni Willie sa Cabinet Files.

Tiniyak ni Willie na ibabalik niya ang Wowowin sa Enero 2024 dahil nakipag-usap na siya sa management ng mga mall na nagsara ng mga sinehan.
“Nakipag-usap ako sa mall cinema management para sa theaters na isinara.
“Doon ko balak na magkaroon ng show by January 2024. Hopefully doon kami magla-live broadcast ng Wowowin, kahit walang TV.
"May mga kaibigan naman akong handang tumulong para makapagbigay ng saya, makapagbigay ng pag-asa sa ating mga kapus-palad na kababayan.
“Sa totoo lang, may times na mada-down ka sa buhay, pero sabi ko, bakit ako magpapa-down, e, I’m so blessed.
"Kung anong meron ako dahil po sa Panginoong Diyos at dahil sa inyo. Nasaan man ako ngayon, hindi ko kayo makakalimutan.
"Ito po ay pagbabalik-tanaw at pasasalamat ko sa inyo," lahad ni Willie.
Pinag-aaralang mabuti ni Willie ang posibilidad na kumandidato siyang senador sa Mayo 2025.
Muling nabuhay ang panawagan kay Willie ng kanyang mga tagasuportang tumakbo siyang senador dahil bukod sa palaging lumilitaw ang pangalan niya sa mga senatorial survey, wala nang kontrata sa anumang TV network ang popular host ng Wowowin.
Noong June 2021, mismong si ex-President Rodrigo Duterte ang nagkumbinsi kay Willie na kumandidato ito para sa naturang posisyon. Pero magalang siyang tumanggi sa mapanuksong alok dahil higit na pinahalagahan at iginalang niya ang kanyang kontrata sa GMA Network Inc.
Read: President Duterte inulit ang hiling na tumakbong senador si Willie Revillame
Pero ngayong hindi na siya nakatali sa anumang television network, maaaring magbago ang desisyon ni Willie dahil sa panawagan ng kanyang mga tagahanga at tagasuporta.