Ang tangkilikin ang Firefly para madagdagan ang bilang ng mga sinehan na pagtatanghalan ang apela ng direktor na si Zig Dulay at ng aktres na si Cherry Pie Picache.
Kapwa nananalig ang dalawa na makatutulong ang balitang maganda ang kanilang pelikula na opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2023.
Read: Direk Zig Dulay nanawagang unahing panoorin ang Firefly sa MMFF 2023
“Palaisipan din sa akin yung bilang ng cinemas,” pahayag ni Zig sa media conference ng Firefly na ginanap sa isang restaurant sa Quezon City, nitong Martes ng hapon, Disyembre 19, 2023.
“Hindi ko rin naman talaga alam yung proseso kung paano nangyari. Pero totoo din naman hanggang ngayon na kabilang kami sa mga pelikulang pinakokonti talaga yung sinehan kaya ginawa namin ang lahat ng makakaya para mapahusay at mapaganda yung pelikula.
“At ginawa talaga namin yon para sa mga tao so nakalulungkot na konti lang yung makakapanood.
"Parang na-defeat yung purpose na gumawa ka ng pelikula, gusto mong mapanood ng mas nakakarami kasi may gusto kang iparamdam. May gusto kang iparating sa kanila tapos hindi makararating.
"Sana, lalung-lalo na sa unang araw, sa December 25, panoorin ng mga tao yung Firefly. Wala naman sapilitan yon.
"Pero kung nagustuhan nila yung pelikula, sana ipakalat nila kasi hanggang sa kasalukuyan, yun pa rin ang inaasahan naming magpadadami ng mga sinehan na magpapalabas sa Firefly.”
Hinikayat naman ni Cherry Pie ang mga taong bumalik sa panonood ng sine dahil malaking tulong ito sa industriya ng pelikulang Pilipino at hiniling din niya na panoorin ang Firefly.
“Tulungan niyo po kami. So, first day pa lang, second day pa lang, panoorin ninyo ang Firefly,” hiling ng aktres.
Kumpiyansa si Cherry Pie na madaragdagan ang mga sinehang pagtatanghalan ng kanilang pelikula dahil marami ang manonood kapag nabalitaan nilang maganda ang pagkakagawa ni Zig sa Firefly.
Hindi nagdalawang-isip si Cherry Pie na tanggapin ang proyekto dahil sa kanyang unang pagbasa sa script, nagustuhan niya agad ang kuwento ng pelikula na pinangungunahan ni Alessandra de Rossi at ng child actor na si Euwenn Mikaell.