Nagdadalamhati ang Philippine entertainment industry dahil sa pagkawala ng veteran actor na si Ronaldo Valdez.
Pumanaw si Ronaldo, sa edad na 77, noong Linggo, Disyembre 17, 2023.
Read: Veteran actor Ronaldo Valdez dies at 77
Kabilang ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang actor-TV host na si Anjo Yllana sa mga nagparating ng pakikiramay para sa mga naulila ng premyadong aktor.
"Our condolences and prayers. You will be missed. Rest In Peace, my friend," mensahe ni Vilma.
Nakapareha ni Ronaldo si Vilma sa pelikulang Karma (1981), official entry sa 7th Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 1981.
Nagwagi si Vilma bilang pinakamahusay na aktres sa MMFF 1981 dahil sa pagbibigay-buhay niya sa karakter ni Sara sa pelikulang tungkol sa reincarnation ang kuwento at malinaw na mapapanood sa YouTube.
Nagkasama rin sina Ronaldo at Vilma sa Langis at Tubig (1980) at Gaano Kadalas Ang Minsan? (1982).
Pangalawang ama naman ang turing ni Anjo kay Ronaldo kaya apektadong-apektado siya sa pagkamatay ng ama ng kanyang kaibigan.
Malapit na kaibigan ni Anjo ang anak ni Ronaldo na si Janno Gibbs.
“I do not like what I just heard…prayer warriors please,” social media post ni Anjo nang una nitong malaman ang balita tungkol sa nangyari kay Ronaldo.
Nang makumpirmang wala na ang kanyang tatay-tatayan, muling nag-post si Anjo: “Thank you for your prayers. Rest in Peace now Dad Ronaldo Valdez. I have no words now bu I love you tol Janno Gibbs. I love you too dad. Rest in peace po idol.”

Ang huling pelikula ni Ronaldo Valdez na napanood sa mga sinehan ay ang Ikaw at Ako, na ipinalabas nito lamang Disyembre 6, 2023.
Pero may isang proyekto pa siyang hindi naipalalabas — ang Itutumba Ka Ng Tatay Ko na pinagbibidahan ng kanyang anak na si Janno Gibbs at ng child actress na si Xia Vigor.
Ipinagmamalaki at pinahahalagahan ni Janno ang Itutumba Ka Ng Tatay Ko dahil ito ang kanyang unang pelikula bilang direktor at unang pagkakataong maidirehe ang award-winning actor na tatay niya.
Read: Janno Gibbs, sikreto pa ang mga detalye ng directorial debut
Sa Instagram post ni Janno noong June 30, 2023, sinabi niya, “Directing my Papa. What an honor and absolute pleasure”
Malaking karangalan daw na idirek niya sa isang pelikula ang kanyang ama.
View this post on Instagram
Nakalulungkot isiping ang nasabing proyekto ang una at huling pagkakataong naging direktor si Janno ni Ronaldo.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang pamilya ni Ronaldo kaugnay ng pagkamatay ng beteranong aktor.