Kahit nakuha ng SB19 ang karapatang patuloy na gamitin ang pangalan at logo ng kanilang grupo, hindi pa masabi ng SB19 member na si Stelle Ajero kung matutuloy pa ang "Pagtatag."
Ang "Pagtatag" ay ang concert tour nilang nakansela nang magkaroon sila ng problema sa ShowBT, ang Philippine-based Korean company na dating namamahala sa kanilang singing career.
Read: SB19 members drop "SB19" on IG bio and handle; SB19 trademark owned by ShowBT
Sa nakaraang guesting niya sa Fast Talk With Boy Abunda kahapon, December 12, 2023, inilahad ni Stell na malungkot ang kanyang grupo dahil sa mga nakansela nilang concert sa Singapore at Thailand.
“Sadly po hindi siya natuloy kasi a lot of our fans were really looking forward to see us perform live. But for now, all I can say is let’s just wait for the news po.
“We’re not sure kung ano pa po ang mga next na gagawin namin kasi, right now, inaayos pa po namin ang mga nangyari before na hindi namin inaasahan.
"Kaya right now, nandoon po kami sa building ulit kung ano yung possible naming gawin for SB19. Parang isa-isang lang, smoothly but surely,” kuwento ni Stell tungkol sa kanselasyon ng kanilang mga concert.
Pero natutuwa siya dahil, diumano, nagkausap na sila at ang pamunuan ng ShowBT.
Read: SB19 resolves ownership issue with former agency ShowBT
Saad niya, “Simula po noong pumutok ang isyu na yon, sobrang worried po kami sa fans namin talaga kasi sila yung number one na number one na magwo-worry sa amin.
“Nung dumating yon, siyempre medyo nalungkot.
"Pero pinilit ko po siyang itago sa parents ko rin kasi ayoko pong ma-stress yung mama ko, yung papa ko. Iisipin nila so hindi ko po talaga sinabi.
“Of course, yung fans namin, ayaw naming mag-alala sila. Super malungkot sila.
"Pero siyempre ang balita, hindi talaga yan maitatago. Lalabas at lalabas.
“So, nung lumabas siya, nangyari na po ang lahat, ang masasabi ko lang, happy kami na both sides, na-settle na po namin. Nagkaayos po kami, maayos kaming nag-usap.
"And right now, masasabi po namin na we can finally continue with everything that we want to do. Right now, we’re very happy na we can continue as SB19,” sabi ni Stell tungkol sa naging problema ng SB19 sa ShowBT na namamahala sa kanilang grupo mula pa noong 2018.
Nagkaroon ng hidwaan ang magkabilang panig nang magtatag ang SB19 ng sariling management company noong Oktubre 2023, ang 1Z Entertainment, matapos nilang kumalas sa ShowBT noong June 2023.
Nagkaroon ng usaping hindi na maaaring gamitin ng SB19 ang pangalan at ang mga kanta ng kanilang grupo.
Pero noong Disyembre 6, 2023, nag-anunsiyo silang naayos na ang problema sa pagitan nila at ng ShowBT.
“We formally announce that we have come to an amicable agreement with ShowBT Philippines Corp. through a fair and equitable resolution,” pahayag ng 1Z Entertainment.
Mananatili ang paggamit ng mga miyembro ng SB19 sa logo at pangalan nito, pero walang binanggit kung magagamit nila sa pagtatanghal ang kanilang mga pinasikat na kanta.