Nagulat si Melanie Marquez nang mabasa nito sa iba’t ibang social media platform na artista na ang kanyang bunsong anak, ang 20-year-old na si Abraham Lawyer.
Kasama umano si Abraham sa cast ng Pulang Araw, ang upcoming primetime drama series ng GMA-7 na pinangungunahan nina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, at Sanya Lopez.
American soldier ang karakter na gagampanan ni Abraham sa Pulang Araw, base sa nakasaad na impormasyon sa walang kumpirmasyong mga social media post.
Ayon sa isang Kapuso insider na nakausap ng Cabinet Files, nagsimula noong nakaraang Biyernes, Disyembre 1, 2023, ang taping ng Pulang Araw sa isang bayan sa lalawigan ng Laguna pero mga eksena pa lamang ng mga bata ang kinunan.
Wala pa raw nababanggit na magkakaroon ng partisipasyon si Abraham sa Pulang Araw, pero napag-uusapang puwedeng bigyan ng papel na gagampanan sa naturang teleserye ang nakababatang kapatid ni Michelle Marquez Dee.
Ikinuwento naman ng isang taong nakausap ng Cabinet Files na hindi pa pumipirma ng kontrata sa Sparkle si Abraham kaya walang katotohanan ang balitang contract star na siya ng talent management arm ng GMA Network. Pero interesado raw ang Sparkle na kunin ang serbisyo niya.
Iginiit ni Melanie na babalik na si Abraham sa Amerika sa Enero 2024 para ipagpatuloy ang pag-aaral.
Ang sandaling pananatili ni Abraham sa Pilipinas ang rason kaya piling-pili ang mga imbitasyong tinatanggap ni Melanie dahil ang pag-aasikaso sa kanyang anak ang prayoridad niya.
Halos limang taong hindi nagkita ang mag-ina dahil bukod sa coronavirus pandemic na naghatid ng takot sa buong mundo noong 2020, at dalawang taong naglingkod si Abraham sa Chile bilang missionary ng The Church of Jesus of Latter-Day Saints o Mormon Church.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Abraham noong November 27, kinumpirma niya ang pagbabalik sa Amerika sa Enero 2024 dahil desidido siyang tapusin ang kanyang marketing course sa isang private institution.
Read: Abraham Lawyer, kapatid ni Michelle Dee, interesadong pasukin ang showbiz