Muling nabuhay ang pagtataka ng mga tao dahil hindi napili na opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival ang Shake, Rattle & Roll Extreme ng Regal Entertainment Inc. na puring-puri nila nang dumalo sila sa red carpet premiere na ginanap noong Biyernes, Nobyembre 24, 2023, sa SM Megamall Cinema.
Sampu ang pelikulang opisyal na kasali sa film festival na mag-uumpisa sa Disyembre 25, 2023 kaya palaisipan sa mga nanood ng Shake, Rattle & Roll Extreme ang pagkakaligwak nito dahil para sa kanila, isa ito sa mga pinakamaganda na horror anthology movie series ng 60-year-old film outfit.
Ang mga papuri at positibong review sa Shake, Rattle & Roll ang dahilan ng lubos na pasasalamat ni Regal Entertainment Inc. CEO Roselle Monteverde na walang pinagsisisihan sa kanyang desisyon na muling gawin ang bagong installment ng pelikula makalipas ang siyam na taon.

“I am extremely overjoyed and having no regrets in producing Shake, Rattle & Roll Extreme after nine years! The comeback is more than great!” ang pahayag ni Roselle na ipinaabot ang kanyang taos-pusong pagbati sa mga direktor, artista at sa lahat ng mga bumubuo sa produksyon ng sikat na horror trilogy movie.
“Congratulations to all the cast, directors [Richard Somes, Jerrold Tarog, Joey de Guzman], to the awesome hardworking staff in production, writers, creative team, post, VXF, music, audio, promo team, digital team.
“I missed cinema! And yes, this is for cinema release, no doubt! Nice to hear people screaming, laughing and even the quiet moments, you know something great is happening!
“This is just so inspiring and motivating! Thanks to everyone that joined us in the premiere night!” ang pasasalamat ni Roselle na maligayang-maligaya sa tagumpay ng red carpet premiere ng pelikulang mapapanood sa mga sinehan simula sa Nobyembre 29, 2023.
Dahil na rin sa kahilingan ng publiko, muling magkakaroon ng red carpet screening ang Shake, Rattle & Roll Extreme sa Market! Market! Cinema 1 sa Taguig City at magaganap ito ngayong Linggo ng gabi, Nobyembre 26, pagkatapos ng mall show ng cast members.
Introducing sa Shake, Rattle & Roll Extreme ang social media influencer at chef na si Ninong Ry na nakatatanggap ng mga papuri dahil sa kanyang mga eksena sa "Mukbang" episode.

Hindi nagkamali si Roselle na isali si Ninong Ry sa cast ng pelikula dahil tuwang-tuwa ang mga tao sa kanyang partisipasyon sa unang proyekto niya bilang artista.
Maaasahan si Ninong Ry na masipag mag-promote ng kanyang debut movie at in demand sa mga television guesting dahil sa popularidad niya.