Hindi dapat panoorin ng mga nakakaramdam ng gutom ang Replacing Chef Chico dahil tiyak na lalo silang magugutom sa mga katakam-takam na pagkaing Pilipino na ipinakita at inihain sa bawat eksena ng walong kabanata ng first Netflix-produced Filipino drama series.
Sina Alessandra de Rossi, Sam Milby, at Piolo Pascual ang mga bida sa Replacing Chef Chico na nagsimula ang streaming noong Biyernes, Nobyembre 24, 2023, pero mabilis na nakuha ang atensyon ng Netflix viewers.
Dahil bukod sa masasarap na pagkain, mabilis ang daloy ng kuwento na hindi nakakainip panoorin bilang mahigit sa tatlumpong minuto lamang ang haba ng bawat kabanata.
Dati nang kinikilala na mahusay na aktres si Alessandra kaya hindi nakagugulat na magaling ang pagganap niya sa katauhan ni Chef Ella, ang sous chef ni Chef Chico na ginagampanan ni Sam.
Si Dan Villegas ang direktor at si Antoinette Jadaone ang lumikha ng drama series na nagpakita sa iba’t ibang mga kultura at masasarap na pagkain ng mga Pilipino.
Nakapaglalaway ang pagluluto at presentasyon ng lumpiang sisig, adobo, laing-laing, tibok-tibok, at ibang mga pagkaing Pinoy sa mga eksena.
Malaking tulong para sa manonood ang mga paliwanag ng mga chef tungkol sa paraan ng pagluluto at ang mga lugar sa Pilipinas na pinagkuhanan ng mga sangkap sa pagkain na inihahain sa mga parokyano ng kanilang restaurant na Hain ang pangalan.
Sa nakaraan na media conference ng Replacing Chef Chico, ikinuwento ni Alessandra na tumagal ng isang linggo ang culinary training nila ni Sam bilang paghahanda sa kanilang mga karakter.
“Masaya yung one week na culinary training namin ni Sam. Talagang confident na confident kami pagdating sa set.
"Yung porma, yung paghalo ng tama sa tools mo, so chill lang kami,” ani Alessandra.
Nadagdagan naman ang respeto ni Sam sa mga chef dahil sa mga hirap na naranasan niya sa shooting ng drama series na naglahad din ng iba’t ibang mga kuwento ng buhay ng mga karakter na ginampanan ng surprise guest stars.
Para maging makatotohanan ang lahat ng mga eksena, maraming mga chef ang kinausap nina Dan at Antoinette.
“For the preparation, we interviewed a lot of chefs and we had to go to kitchens, para makita kung gaano ka-stressful talaga sa kitchen.
“We interviewed female chefs, male chefs. We saw how the food really looks like for a chef, kahit hindi head chef or sous chef.
“And for every episode, depending on the guest, we would interview a real person na for example, may isang episode na [tungkol] sa Alzheimer’s disease so we had to really interview a doctor or someone who has Alzheimer’s.
“We know how important it is for chefs in real life to see na very authentic yung show.
"Yes, it’s fictional, pero it was based on real life so we’re very diligent in doing our research,” paliwanag ni Antoinette tungkol sa pagsasaliksik na ginawa nila ni Dan para sa kanilang proyekto.
May special participation sa series ang mag-asawang Bibeth Orteza at Carlos Siguion-Reyna, at ang episode na kanilang pinagbidahan ang isa sa mga makabagbag-damdamin at siguradong magmamarka sa Netflix viewers.
Kung may nag-iisang reklamo kami, ito ay ang mali-maling spelling o pagbaybay sa Tagalog subtitles na dapat na pinagtuunan ng pansin para lalong maging pulido ang nabanggit na Netflix-produced series.