Fake news na si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Marquez Dee ang bagong National Director ng Miss Universe Philippines Organization (MUPO), kaya hindi dapat paniwalaan ang mga impormasyon na kumakalat sa social media.
Pinabulaanan ng isang MUPO executive ang walang katotohanang balita na magkakaroon ng opisyal na pahayag sa Linggo, Nobyembre 26, 2023, na si Michelle ang kapalit ni Shamcey Supsup bilang national director.
Nakasaad sa fake news post na ginamit ang logo ng Miss Universe Philippines na si Michelle ang “new national director” ng Miss Universe Philippines Organization.

Nang makausap si Shamcey ng Cabinet Files noong Lunes, Nobyembre 20, 2023, walang anumang senyales na bilang na ang mga araw niya bilang national director ng Miss Universe Philippines.
Read: Bakit wala si Shamcey Supsup-Lee sa El Salvador para suportahan si Michelle Dee?
Ibinalita pa nga niya sa kanyang nakaraang guesting sa Fast Talk With Boy Abunda ang isang pagbabagong mangyayari sa mga nagnanais sumali sa Miss Universe.
Hindi na magkakaroon ng screening para sa mga kandidata.
“We are not allowing screenings anymore. You have to win in the regional pageants.
"So, if you want to become the next Miss Universe Philippines in 2024, then you have to complete locally or you have to be appointed by a local partner.
"Mas mahirap na yung laban but, hopefully, through this process, we will find the gem waiting to be found,” paliwanag ni Shamcey tungkol sa sistemang ipatutupad nila sa pagpili ng mga kandidata.
Nakatakdang bumalik si Michelle sa Pilipinas bukas, Nobyembre 25, 2023, mula sa Los Angeles, California, matapos ang halos isang buwang pagkawala sa bansa dahil sa paglahok niya sa 72nd Miss Universe na ginanap sa El Salvador noong Nobyembre 18, 2023.
Sa kanyang pagdating, maraming isyu ang naghihintay ng kasagutan mula kay Michelle.
Pero kung fake news na siya ang bagong national director ng Miss Universe Philippines, sigurado naman ang pagkakaroon niya ng bagong show sa GMA-7 dahil sa kanyang pahiwatig sa X: “Joining a show with a very 'special role.' Any guesses? Clue: ala-Freya.”
Freya ang pangalan ng karakter na ginampanan ni Michelle sa Mga Lihim ni Urduja, ang primetime drama fantasy series na napanood sa GMA-7 mula Pebrero 7, 2023 hanggang Mayo 5, 2023.