Ang Mexico ang host country ng 73rd Miss Universe na magaganap sa 2024 kaya may paalala si Miss Universe 1991 Lupita Jones.
Si Lupita ang first Mexican na nanalong Miss Universe. Kinoronahan siyang Miss Universe 1991 sa Las Vegas, Nevada, USA, noong May 17, 1991.

Mula pa noong 1994, si Lupita ang national director ng Nuestra Belleza Mexico, ang pageant organization na nagpapadala ng mga kandidata sa Miss Universe, Miss World, at Miss International.
Pinag-uusapan ang kontrobersiyal na pahayag ni Lupita para sa kanyang mga kababayan tungkol sa 73rd Miss Universe na gaganapin sa kanilang bansa sa susunod na taon.
Sa wikang Mexican Spanish, at sa pamamagitan ng Instagram live broadcast, pinaalalahanan ni Lupita ang mga nagpaplanong mamuhunan sa Miss Universe 2024 na idaraos sa Mexico na mag-ingat dahil alam nilang bankrupt at marami ang nag-aakusa ng fraud o panloloko laban sa bagong may-ari ng Miss Universe Organization.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Lupita pero malinaw na si Anne Jakrajutatip ang tinutukoy niya.
Read: Miss Universe owner Anne Jakrajutatip calls out reports saying she filed for "bankruptcy"
Malaki ang posibilidad na ito ang dahilan kaya pinalitan siya bilang national director ng Miss Universe Mexico pagkatapos ng kanyang social media broadcast.
Tinanggal si Lupita sa kanyang puwesto ni Raúl Rocha Cantú, ang franchise owner ng Miss Universe at kaibigan ni Miss Universe Organization owner Anne Jakrajutatip, matapos ang Miss Universe 2023 na idinaos sa El Salvador noong Nobyembre 18, 2023.
Bago pa man siya nawala sa posisyon, natunugan na ni Lupita ang mangyayari dahil sa mga tsismis na nakarating sa kanya kaya sabi niya, “Miss Universe has not confirmed anything to me, although everything indicates that what is being said is true.”
Nagpahiwatig si Lupita na may kinalaman din ang pagkawala niya bilang national director ng Miss Universe Mexico dahil sa hindi pagpasok ni Melissa Flores sa Top 20 ng 72nd Miss Universe.
Si Melissa ang opisyal na kandidata ng Mexico.

Melissa Flores and Lupita Jones
Ayon kay Lupita, “It was very difficult for them to let the latest queen brought by Lupita Jones shine. I asked that the treatment towards my representative be honest, [but] I think my request did not work.”
Nakunan ng video ang pag-alis ni Lupita mula sa venue ng coronation night ng Miss Universe 2023 makaraang ianunsiyo ang Top 20 dahil hindi kasama si Melissa.
Gaya ni Miss Universe 1969 Gloria Diaz, prangka si Lupita sa paglalahad ng kanyang saloobin.
Noong 2018, inilahad ni Lupita na hindi siya pabor sumali sa nabanggit na patimpalak ang transgender women.
“As head of Miss Universe in Mexico, I have to abide by the rules of the organization, but at a personal level, I disagree, because I don’t think we are under equal conditions.
"A woman that was born as one will never be like a transgender woman. Biologically, they are not the same,” pahayag ni Lupita.
Hindi ito nalalayo sa reaksiyon ni Gloria tungkol sa isyu.
“E, di dapat 'Universe' na lang, huwag nang 'Miss' kasi hindi na Miss yon, di ba? Dapat may sarili silang contest. May Mrs.Universe, may Lesbian Universe, may Transgender Universe,’ sabi ng kauna-unahang Pinay Miss Universe sa isang panayam.
Read: Miss Universe 1969 Gloria Diaz, hindi pabor sa pagsali ng mga misis sa Miss Universe
Si Cynthia dela Vega ang kapalit ni Lupita bilang national director ng Miss Universe Mexico.
Dati ring beauty queen si Cynthia.
Siya ang nanalong Nuestra Belleza Mundo Mexico noong 2010 at siya dapat ang kinatawan ng kanilang bansa sa 61st Miss World na ginanap sa London noong Nobyembre 2011.
Pero nabulilyaso ang kanyang pagsali dahil sa desisyon ni Lupita na bawiin ang korona niya.
Kawalan ng dedikasyon at disiplina ang sinabi ni Lupita na mga dahilan ng dethronement ni Cynthia, na mariin nitong itinanggi.
“Organizers of the Nuestra Belleza Mexico contest demanded that I lose a few kilos, but they never provided a nutritionist or any other assistance to ensure the weight loss,” katuwiran at paliwanag ni Cynthia.
Ang nangyari kay Cynthia ang makapagpapatunay na totoong bilog ang mundo dahil siya ngayon ang nasa puwesto ng national director na bumawi sa kanyang korona at titulo noong 2011.