Nakaligtas sa matinding mga batikos si Miss Universe Organization owner Anne Jakrajutatip dahil si Sheynnis Palacios ng Nicaragua ang kinoronahan na 72nd Miss Universe.
Ginanap ang pageant night noong Sabado, Nobyembre 19, 2023 (Linggo, Nobyembre 19) sa Pilipinas sa San Salvador, El Salvador.
Read: Miss Nicaragua crowned Miss Universe 2023; Michelle Dee reaches Top 10
First runner-up ni Palacios si Anntonia Porsild ng Thailand at second-runner up si Moraya Wilson ng Australia.
Read: FULL TRANSCRIPT: Winning answer of Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios
Kung si Porsild ang nanalo na 72nd Miss Universe, tiyak na titindi ang mga paratang laban kay Jakrajutatip na isang "cooking show" ang international beauty contest na kanyang pinamumunuan dahil kababayan niya ang nanalo.
Ang mga Pilipino ang nanguna sa pagsasabi na "cooking show" ang 72nd Miss Universe nang hindi makapasok sa Top 5 ang kinatawan ng Pilipinas na si Michelle Marquez Dee dahil nangibabaw ang kanilang mga nagsisilakbo na damdamin na taun-taon na nangyayari tuwing idinadaos ang naturang patimpalak.
Marami na ang pagbabago na naganap sa Miss Universe mula pa noong 2018 dahil tumanggap na sila ng transgender woman contestant sa katauhan ni Angela Ponce ng Spain.
Noong nakaraang taon, inanunsyo ng Miss Universe Organization na tatangap na rin sila ng mga kandidata na may mga asawa at mga anak.
Kamakailan lamang, Setyembre 2023, nagdeklara ang nabanggit na organisasyon na wala nang limitasyon sa mga edad ng mga kababaihan na nagnanais na lumahok sa Miss Universe.
Napatunayan sa 72nd Miss Universe na nakatulong sa pagiging maingay nito ang pagsali ni Miss Universe Colombia Camila Avella na may asawa at anak, pati na ang partisipasyon ng transgender women na sina Marina Machete ng Portugal at Rikkie Kollé ng Netherlands.
Nakadagdag-ingay rin sa mga publicity ng 72nd Miss Universe ang plus-size contestant na si Miss Universe Nepal Jane Garrett.
Nakapasok sina Machete at Garrett sa Top 20; samantalang umabot sa Top 5 si Avella, pero naging mailap pa rin sa kanila ang korona ng Miss Universe.
Sa kabila ng mga bagong patakaran ng organisasyon, mas malaki pa rin ang tsansa na dalaga, hindi katandaan at balingkinitan ang katawan ng mga pipiliin ng mga hurado kaya sa ngayon.
Tila mga pampaingay lamang sila para lalong mapag-usapan ang patimpalak at para masabi na pinaiiral ng organisasyon ang "equality" at "inclusivity."
Samantala, muling narinig ang matinis pero maligalig na pagbigkas ni Jakrajutatip ng "Halu Universe!!!"
Tulad noong 2022, binigyan siya ng oportunidad na magsalita sa entablado ng 72nd Miss Universe.
Pero may malaking pagkakaiba dahil kung mahaba ang oras ng kanyang pagsasalita noong nakaraang taon nang ipakilala siya bilang bagong may-ari ng Miss Universe Organization, parang pinutol ang exposure niya sa 72nd Miss Universe na ikinatuwa ng karamihan sa manonood.