Ang panagutan ng 54-year-old actor ang mga responsibilidad niya bilang ama ang tanging hinihiling ng kanyang dating karelasyon.
Bibinyagan na sa susunod na linggo ang bata, na isinilang noong December 2022, pero hindi umano nagpaparamdam ang aktor na ayaw harapin ang kanyang mga obligasyon.
Nagpasabi ang aktor na hindi ito makakadalo sa binyag ng kanilang anak dahil may importante siyang lakad.
Hindi na umaasa ang dating karelasyon na magkakabalikan pa sila ng aktor, pero gusto lamang daw niyang akuin ng ama ng kanyang anak ang mga obligasyon na pilit umano nitong tinatakasan.
Nasaktan daw nang husto ang babae dahil hindi ipinagkaloob ng aktor ang apelyido nito sa kanilang inosenteng anak.
Ininsulto rin daw ng aktor ang kanyang pagkatao dahil pinagdudahan nitong siya ang tunay na ama ng bata.
Nang sabihin ng aktor na dapat sumailalim sa DNA test ang bata para makatiyak na siya ang tatay ng sanggol, agad umanong pumayag ang kanyang karelasyon para matapos na ang isyu at ang mga walang basehan at paulit-ulit na paghihinala.
Wala ang aktor sa tabi ng kanyang dating karelasyon nang isilang nito ang anak nila noong nakaraang taon.
Nang makita ng aktor nang personal ang bata, siya mismo ang nagsabing magkamukha sila. Pero iginiit niya ang DNA test na hindi pa nangyayari dahil hindi siya nagpapakita.
Palaisipan sa estranged girlfriend ang mga hindi makatarungang gawain ng aktor na 54-anyos na pero umiiwas sa mga responsibilidad.
Matagal nang hiwalay ang aktor sa asawa nitong artista rin kaya nagtataka ang kanyang estranged girlfriend sa inaasal niya.
Kasal na sa ibang lalake ang aktres na dating asawa ng aktor at nasa showbiz din ang ilan sa kanilang mga anak.
Takot na takot ang aktor na malaman ng kanyang ina na nagkaroon siya ng anak sa ibang babae.