Kasalukuyang ginaganap ang star-studded birthday celebration ni Viva Entertainment CEO and Chairman Boss Vic del Rosario sa Viva Café, Araneta City, Cubao, Quezon City, ngayong Huwebes ng gabi, Oktubre 26, 2023.
Sa audio-visual presentation bilang pagpupugay kay Boss Vic, ipinakilala ito bilang "iconic, rockstar, hitmaker, trending, Rated G, bold, one of a kind, yummy, bagets, ama, superdad, and lolo."
"Iconic" dahil sa mga pelikula kanyang ginawa at mga artista na pinasikat niya.
"Hitmaker" dahil sa popularidad ng mga kantang siya ang nag-produce sa ilalim ng Vicor at Viva Record label.
"Bold" dahil sa paglulunsad niya sa Vivamax noong panahon ng pandemya.
"Yummy" dahil sa mga restaurant na kanyang binuksan at tinatangkilik ng publiko.
"Ama" dahil sa libu-libong empleyado na inaalagaan.
"Superdad" at "lolo" dahil mapagmahal siya sa kanyang mga anak at apo.
“Maraming salamat for attending my… ayoko nang bilangin. Anyway, thank you so much. Mahal ko kayong lahat," maiksi pero punumpuno ng sinseridad na mensahe ni Boss Vic sa kanyang mga bisita matapos siyang kantahan ng birthday song.
Umapaw ang mga pagkain at inumin sa pagdiriwang ng kaarawan ni Boss Vic.
Star-studded siyempre ito dahil sa pagdalo ng kanyang mga contract star at mga kaibigang artista gaya nina Robin Padilla; Phillip Salvador; ang mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo; ang pamilya nina Aga Muhlach, Charlene Gonzalez at ang kanilang mga anak na sina Andres at Atasha.

Matteo Guidicelli and Sarah Geronimo (left) and Ryza Cenon and son (right)
Naroon din sina Anne Curtis, Julia Barretto, Ryza Cenon, John Arcilla, Janno Gibbs; Jerald Napoles, Kim Molina, Diego Loyzaga, Sarah Lahbati, Kiko Estrada, Mark Bautista, Sam Concepcion.

(From left) Heaven Peralejo, Andres Muhlach, and Kim Molina

Dumalo rin ang mga sexy star ng Vivamax na sina Angeli Khang, Vince Rillon, Sunshine Guimary, at Benz Sangalang; ang mga direktor na sina Mac Alejandre, Joey Reyes, Irene Villamor; at Lawrence Fajardo; pati na sina Wilbert Ross, Zia Vigor, Kean Cipriano, Mark Anthony Fernandez; at ang Kapuso star na si Alden Richards.

Candy Pangilinan, John Arcilla, and Chad Kinis