“Never again” ang pangako sa sarili ng male showbiz personality na tumanggap ng parangal pero nagbayad ng malaking halaga ng pera sa mga organizer.
Natukso ang male showbiz personality sa matatamis na sa salita, tulad ng makatutulong sa career niya ang parangal na igagawad sa kanya, kaya napilitan siyang maglabas ng pera bilang “donasyon.”
Huli na nang mapagtanto ng male showbiz personality na isa lamang siya sa maraming mga pinarangalan na nagbigay ng pera kaya malinawag na binili lamang nila ang kanilang mga tinanggap na award.
Bukod sa perang ibinayad para sa kanyang “award,” nadagdagan ang gastos ng male showbiz personality dahil siya ang nagbayad ng hotel accommodation niya.
Matapos ang gabi ng parangal, muling nakatanggap ng mensahe ang male showbiz personality mula sa kinatawan ng isang award-giving body na nagpahiwatig na nais kilalanin ang mga kontribusyon niya sa entertainment industry.
Hindi na nagpabola ang male showbiz personality na napagod na sa paggastos, natuto ng importanteng leksiyon, at naghihinagpis dahil sa pera na kanyang pinakawalan—kapalit ang award na hindi naman niya kailangan at maipagmamalaki.
Hindi nag-iisa ang male showbiz personality dahil marami ang mga kagaya niyang mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na naging willing victims ng mga sampu-samperang award-giving bodies na ginawa nang negosyo ang pamamahagi ng mga parangal para pagkakitaan.
Walang ipinagkaiba ang mga award-giving body na aming tinutukoy sa mga hindi na mabibilang sa daliring beauty pageant organizations na ginawa na ring negosyo ang pamumudmod ng iba’t ibang klase ng beauty titles.