Pinasok na rin ni Antonio Vinzon ang entertainment industry dahil sa masidhing pangarap sundan ang yapak ng kanyang ama, ang award-winning veteran actor na si Roi Vinzon.
Si Antonio ang bunsong anak ni Roi at ng former band vocalist na si Jeaney David, na gumamit noon ng screen name na Patricia Perez.
Sa edad na labinglima, 6’2" na ang height ni Antonio.
Dati siyang varsity player ng isang sikat na university, pero pansamantala niyang inihinto ang paglalaro ng basketball dahil mas gusto niyang pagtuunan ng atensiyon ang kanyang budding showbiz career.
Contract star si Antonio ng Sparkle Artists Center ng GMA Network Inc. mula pa noong February 2023.
Read: Dating child stars, mas angat sa mga kasamahan nila sa Sparkle Teens?
Ikinagulat daw ni Roi ang desisyon ni Antonio na mag-artista.
“Nabigla ako. Sabi ko, 'Mahirap. Hindi mo pa kaya anak.'
"Hindi kasi ako 15 years old nang mag-umpisa. May edad na ako nang mag-artista, after college.
“Nagtapos muna ako ng college bago pumasok sa showbiz dahil ang showbiz noon, ibang klase. Medyo magulo noon,” pahayag ni Roi sa eksklusibong pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files nitong Huwebes, Oktubre 12, 2023, sa studio ng GMA Network Inc.
Pagpapatuloy ng beteranong aktor, “Pero malinis na ngayon [ang showbiz]. Dati ang mga offer, ganito, ganoon. Bago ka mapasok, parang magdaraan ka sa butas ng karayom.”
Ang tinutukoy ni Roi ay tungkol sa “casting couch” na kalakaran noon sa showbiz.
“Ngayon, madali na pero sa umpisa, wala pa rin yan. Sabi ko kay Antonio, huwag mag-expect.
“Nag-usap kami ni kumander, ng mom ni Antonio. Sabi ko, si Antonio, kapag hindi niya nagustuhan ang showbiz, medyo nahihirapan na siya dahil it takes time, hindi naman two years lang yan, may fallback kami para sa kanya. May negosyo kami, may konti kaming ganito…
“Now, ngayong nakapasok na siya, kailangan maaga niya na pag-aralan ang dapat para umasenso siya.
“Kapag umasenso ka sa showbiz, medyo picking apples ka na. Yung future mo okay na, pero you have to study hard.
“Sabi ko sa kanya, first script niya, babasahin namin. Hindi puwedeng pupunta ka lang sa set. Hindi porke nakapag-workshop ka na, kaya mo na,” lahad ni Roi, na walang magawa kundi suportahan ang pangarap ni Antonio at gabayan ito.
Read: Roi Vinzon reveals he has 7 children with 3 women in real life
Malaki ang potensyal ni Antonio na maging leading man sa mga pelikula at drama series, pero nag-aalala ang kanyang ina na baka tumangkad pa siya at mahirapan mabigyan ng mga proyekto.
View this post on Instagram
“Mas maganda raw po 6’1" lang ang height kasi pambida po raw yon,” sabi naman ni Antonio.
Desidido si Antonio na pagsabayin ang kanyang pag-aaral at acting career.
Saad niya, “Dati po nagba-basketball ako, pero sabi ko, mas gusto kong maging artista na katulad ni Papa.
“Gusto rin ni Papa, e, mas gusto ko rin. Proud po siya sa akin.
"Itutuloy ko po ang pag-aartista dahil nawala na nga po yung pagba-basketball ko."
Bukod sa magaling sumayaw, minana ni Antonio ang husay sa pagkanta ng kanyang ina.