Iniimbitahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga natural-born Filipino citizen na may edad 18 hanggang 35 na sumali sa Young Creatives Challenge o YC2.
Layunin ng YC2 na makatuklas ng mga Pilipino na may malikhain na isip sa iba’t ibang kategorya sa larangan ng pagsusulat ng awit, screenwriting, playwriting, graphic novel, animation, game development at online content creation.
Binuo ng DTI ang paligsahan bilang pagpapahalaga sa pambihirang talento ng mga Pilipino at mabigyan sila ng pagkakataon para sa personal at propesyonal na pag-unlad.
Magaganap bukas, Setyembre 24, 2023 ang opisyal na paglulunsad ng DTI sa YC2 na mapapanood sa pamamagitan ng livestream sa DTI Philippines Facebook page.
Magsasama-sama sa launching activity ng YC2 ang mga kalahok, pati na ang mga collaborator at potential producers mula sa pribadong sektor at creative industries.
Pararangalan ang Top 30 creators at ihahayag ang Top 10 Grand Finalists sa semi-finals ng YC2 na idaraos sa Oktubre 2023.
Nakatakda naman sa Nobyembre 2023 ang grand finals at ang pagpaparangal sa mga magwawagi na tatanggap ng cash prizes, promotion, registration of intellectual property at posibilidad na produksyon o commercialization ng kanilang mga gawa.
Para sa ibang mga detalye, maaaring bumisita sa official website ng Young Creatives Challenge ang mga nagnanais na lumahok sa YC2 na matatag na sinusuportahan ng DTI sa bisa ng Philippine Creative Industries Development Act (RA 11904) para sa patuloy na pagsusulong sa malikhaing industriya.