Inihatid si Mike Enriquez sa huling hantungan nito sa Loyola Memorial Park, Marikina City, Linggo ng umaga, Setyembre 3, 2023.
Makalipas ang ilang oras, ibinahagi ni Arnold Clavio ang tula na isinulat niya para sa kanyang kaibigan at kasamahan sa trabaho na sumakabilang-buhay noong Agosto 29, 2023.
Madamdamin ang tula na nilikha ni Arnold na may pamagat na "Paalam" at sumasalamin sa kanyang mga saloobin tungkol sa pagpanaw ni Mike.
Kabilang si Arnold sa mga sumalubong sa malakas na buhos ng ulan at naghatid kay Mike sa paglilibingan nito.
"Ama" ang nakasanayan ni Arnold na tawag kay Mike at mararamdaman sa bawat salita ng kanyang tula ang pangungulila na nararamdaman niya.
"Paalam, aking ama…
"Hanggang dito na lang… Lumisan. Walang paalam. Kisapmata. Biglang nawala. Umasa sa pagbabalik. Isang araw sa pagmulat, Ikaw ay nasa tabi. Pero hindi.
"Masakit. Di ka nagparamdam. Naglaro sa isipan Na ako ay tinuruan. Muling maging ulila.
"Wala nang dusa. Malayo ang tanaw. Paano ang bukas? Nauna kang naglakbay. Bahala ka na. Sa naiwang alaala.
"Magsilbing bantay. Ikaw ang gabay. Ako rin ay masasanay. Babalik-balikan.
"Sa tuwing uubo. Mag-‘excuse me po!’ Sa mga mali At mga tiwali, Di tatantanan. Pamanang iniwan.
"Pahinga na ama. Wala ng hirap. Kumusta na sa isa ko pang ama. Baka puwede naman, Isang mahigpit na yakap. Walang hanggang paalam."
Related stories:
- Mel Tiangco speaks about Mike Enriquez's devotion to his wife Baby
- Veteran broadcaster Mike Enriquez dies at 71
- Mel Tiangco, may ibinuko tungkol kay Mike Enriquez
- Queendom naghandog ng tribute song kay Mike Enriquez
- '24 Oras' pays tribute to Mike Enriquez's 54-year broadcasting career
- 'TV Patrol' anchors mourn passing of '24 Oras' anchor Mike Enriquez